top of page

FB page ng mga vlogger na endorser ng online gambling, burado na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 24, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 24, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PUPURIHIN TALAGA NI TRUMP SI PBBM PARA MGA US MILITARY BASES SA ‘PINAS HINDI MATANGGAL -- Tuwang-tuwa ang mga loyalista kasi pinuri raw ni United States (US) Pres. Donald Trump si Pres. Bongbong Marcos (PBBM).


Sa totoo lang, lahat naman ng lider ng mga bansang kaalyado ng Amerika ay pinupuri ng sinumang nagiging presidente ng Estados Unidos, tulad ni PBBM na pinuri ni Trump dahil mayroong interes ang super power country na ito sa ‘Pinas, tulad ng mga inilagay na US military bases sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Benito Ebuen Sir Base sa Cebu, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at Lumba Airport sa Cagayan De Oro City.


‘Ika nga, obligado talagang purihin ni Trump si PBBM para mapanatili ang mga US military bases sa ‘Pinas dahil kung hindi ay baka mainis ang Philippine president at ipatanggal ang mga puwersang militar ng Amerika sa bansa, period!


XXX


MGA DRAINAGE AT BASURA ANG SINISISI NINA DPWH SEC. BONOAN AT MMDA CHAIRMAN ARTES SA KAPALPAKAN NILA SA BAHA -- Sinisi ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan ang mga lumang drainage kaya raw bumaha sa National Capital Region (NCR), at mga basura naman ang sinisisi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes kaya raw lumubog sa baha ang Metro Manila.


Pambira naman itong dalawang “bata” ni PBBM, ang kanilang kapalpakan sa trabaho na dapat sana ay noong panahon ng tag-araw ay sinolusyunan na ang problema sa baha, eh ang palusot, sisihin ang mga lumang drainage at mga basura kaya binaha ang Metro Manila, mga buset!


XXX


DAPAT LANG BURAHIN NG META ANG FB PAGE NG MGA VLOGGER NA ENDORSER NG MGA ONLINE GAMBLING DAHIL FOLLOWERS NILA, NIRARAKET -- Nanghihinayang ang mga vlogger na endorsers ng mga online gambling sa ginawang pagbura ng Meta Platforms, Inc. sa kanilang mga Facebook page kasi milyun-milyon na raw ang followers nila at dahil burado o wala na ito sa FB, back to zero raw sila.


Aba’y dapat lang burahin o tanggalin ng Meta ang kanilang mga Facebook page kasi iyong milyun-milyon nilang followers ang niraraket nila sa mga walang panalong online gambling, mga pwe!


XXX


MGA RESIDENTE NG MUNTINLUPA CITY, APEKTADO NA NG BAHA, BIKTIMA PA NG RAKET NA JUETENG NINA ‘TOUCHE’ AT ‘JOJO’ -- Isa ang Muntinlupa City sa labis na sinalanta ng Bagyong Crising, ang daming residenteng binaha at dinala sa mga evacuation center.


Ito na ang siste, sa mga evacuation center ay may nagpasukan ditong mga kubrador ng sindikatong jueteng nina “Touche” at “Jojo” at pinataya ang evacuees, at dahil nga raket ang ganitong uri ng sugal ay siyempre walang tatama o mananalo.


Dapat umaksyon dito si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon dahil kaawa-awa naman ang kanyang mga kababayan, apektado na nga ng baha, nabiktima pa sa raket na jueteng nina "Touche" at "Jojo," tsk!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page