top of page

Family business sa gobyerno dapat wakasan, Anti-Political Dynasty Bill, isabatas na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 13, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


NGAYONG MAY KRISIS SA LANGIS, DAPAT MAGSANIB-PUWERSA SINA PAOCC CHIEF ACORDA AT PNP-REGION 4-A DIRECTOR GEN, MARANTAN SA PAGLANSAG SA OIL PILFERAGE SYNDICATES SA CAVITE, BATANGAS AT QUEZON – Sa panahon ng krisis sa langis at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, mahalagang magsanib-puwersa sina Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Ret. P/Gen. Benjamin Acorda Jr. at bagong itinalagang PNP-Region 4 Director, Brig. Gen. Hansel Marantan, upang lipulin ang mga oil pilferage syndicates sa Cavite, Batangas, at Quezon.


Kabilang sa kanilang target sina alyas "Rico," "Bogs," "Dondon Alahas," "Jayvee," "Amang," "Aldo," "J. Cruz," at "Madick." Raket ng mga ito ang pagbili ng ninakaw na krudo mula sa tinaguriang "Paihi Gang" sa mga oil tanker—isa rin itong dahilan kung bakit itinaas ng mga oil companies ang presyo ng kanilang produkto.

Sa panahon ng krisis, panahon na rin para tuluyang malansag ang mga oil pilferage syndicates sa Cavite, Batangas, at Quezon. Period!


XXX


INUNGGOY NINA PBBM AT VP SARA ANG TAUMBAYAN NA UNITEAM DAW SILA, HINDI PALA DAHIL AFTER NILANG MANALO, NAGBANGAYAN NA KAYA DAPAT PAREHO SILANG MA-IMPEACH – Ayon kay Vice President Sara Duterte, dapat daw si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos (PBBM) ang ma-impeach at hindi siya. Sa totoo lang, parehong dapat silang ma-impeach dahil niloko nila ang mahigit 32 milyong botanteng Pilipino na bumoto sa kanila noong 2022 election. Sa slogan nilang "Uniteam," ipinangako nilang magsanib-puwersa upang iahon sa kahirapan ang mamamayan, ngunit hindi ito ang nangyari.


Makaraan lang ang higit isang taon sa puwesto, naghiwalay na sila ng landas at nagbangayan nang nagbangayan. Nagdulot ito ng pagkakahati-hati ng paniniwala ng mga Pilipino at walang katapusang alitan sa social media. Tsk!

  

XXX


DAPAT MAISABATAS NA AGAD ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY PARA MATIGIL NA ANG PAGPAPALAMON NG TAUMBAYAN SA 5K POLITICAL FAMILIES – Sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto na kapag naisabatas ang anti-political dynasty, mahigit 5,000 pulitiko mula sa mga political families ang tatamaan dahil hindi na sila puwedeng kumandidato para sa posisyon sa pamahalaan.


Sana ay maipasa na agad ang batas na ito upang matigil na ang pagpapalamon ng taumbayan ng mga pulitiko na matagal nang itinuturing na family business ang mga puwesto sa gobyerno. Period!


XXX


KAPAG NAPATUNAYANG 'MARITES' LANG ANG PAG-DELIVER NG MALE-MALETANG MAY PERA, PAGKABULOK SA BILIBID ANG AABUTIN NG 18 EX-MARINE – Kasong cyberlibel ang ipinapataw ngayon sa nagpakilalang 18 ex-marines kaugnay ng kanilang ibinulgar na deliberasyon, ayon sa utos ng kanilang dating amo, si former Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, tungkol sa umano’y malalaking perang kickback sa flood control projects mula sa ilang politiko at opisyal ng gobyerno.


Kapag napatunayan sa korte na naninira lang ang 18 ex-marines na ito, maaaring humantong ang kanilang akto sa parusang pagkakakulong sa Bilibid. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page