top of page

Eric at Edvic Yap sa tara system, sangkot din ba sa flood control scandal?!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2d
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 5, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAKTIKA NI PNP CHIEF GEN. NARTATEZ VS. KRIMINALIDAD, TAGUMPAY, 12.40% IBINABA NG CRIME RATE SA ‘PINAS LAST YEAR – Ang taktika ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., na nakatuon sa police visibility at direktang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga komunidad upang magkaisa sa paglaban sa kriminalidad, ay naging matagumpay. Batay sa ulat, bumaba ng 12.40% ang crime rate sa bansa nitong nakalipas na taong 2025.


Sa bahagi ng kanyang New Year message, tiniyak ni Gen. Nartatez na sa ilalim ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman”, lalo pang paiigtingin ng kapulisan ang police visibility at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang labanan ang kriminalidad ngayong taong 2026.

Tunay ngang sa pamumuno ni Gen. Nartatez, ramdam na ng mamamayan ang serbisyong pulis. Patunay nito ang dami ng kapulisan na aktibong nagpapatrulya sa mga barangay, lungsod, at munisipalidad sa buong bansa.


XXX


MAGKAPATID NA KONGRESISTANG SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, SILA RIN KAYA ANG 'ERIC YAP' AT 'EDVIC YAP' NA SANGKOT SA TARA SYSTEM NOON SA CUSTOMS? – Noong panahon ng Duterte administration, nagsagawa ng privilege speech si Senador Ping Lacson noong Agosto 23, 2017, kung saan tinalakay niya ang talamak na katiwalian sa Bureau of Customs (BOC). Binanggit niya noon ang mga pangalang Eric Yap at Edvic Yap bilang mga “player” o broker na umano’y nagbibigay ng payola o “tara” sa ilang tiwaling opisyal ng Customs.


Sa kasalukuyang panahon ng Marcos administration, sa isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman at Independent Commission for Infrastructure (ICI), lumabas na kabilang ang magkapatid na Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap sa mga mga kongresistang nasasangkot sa umano’y scam sa flood control projects.

Dahil dito, nagbabalik-tanong ang marami: Ang “Eric Yap” at “Edvic Yap” na binanggit ni Sen. Lacson noon ba ang parehong magkapatid na kongresista na ngayon ay nasasangkot sa DPWH flood control scandal? Boom!


XXX


NGAYONG YEAR 2026, DAPAT I-LIFESTYLE CHECK LAHAT NG MGA OPISYAL NG DPWH AT CUSTOMS – Ngayong 2026, nararapat magsagawa ng lifestyle check ang Ombudsman sa lahat ng opisyal ng DPWH at Customs.


At ang sinumang matuklasang namumuhay nang marangya at may bahid ng katiwalian sa kanilang posisyon ay dapat sibakin, kasuhan, at ikulong. Kasama rito, ang lahat ng kanilang nakaw na yaman ay dapat kumpiskahin ng pamahalaan. Period!


XXX


IISA ANG NAGING KAPALARAN NINA FPRRD AT VENEZUELAN PRES. MADURO, NAGHAMON NA DAKPIN SILA KAYA PAREHO SILANG KULONG – Halos magkapareho ang naging kapalaran nina former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) at Venezuelan President Nicolás Maduro.


Nang makasuhan si FPRRD ng crimes against humanity, hinamon niya ang International Criminal Court (ICC) na dakpin siya. Bilang resulta, inaresto siya at ngayon ay nakakulong sa ICC jail.


Ganun din ang nangyari kay Pres. Maduro. Nang akusahan siya ng United States (US) ng drug trafficking sa Tate, hinamon niya ang Amerika na dakpin siya. Pinagbigyan ng US forces ang kanyang hamon, sinalakay ang kanyang bansa, inaresto siya, at ngayon ay nakakulong sa US jail.


Maging leksyon ito sa mga presidente at dating presidente ng mga maliliit na bansa: huwag basta-basta humamon sa ICC o sa isang superpower, dahil maaari itong magresulta sa pagkakakulong sa ibang bansa. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page