Sen. Marcoleta, inetsapuwera sa Blue Ribbon Chair, Malacañang nabunutan ng tinik
- BULGAR

- 18 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 22, 2026

MAS MAINAM SUMUKO NA LANG SI SEN. DELA ROSA PARA HINDI SIYA MAPOSASAN – Ngayong dinenay ng Korte Suprema ang hirit na temporary restraining order (TRO) at sanib-puwersa na ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation sa paghahanap upang isilbi ang warrant of arrest kaugnay ng kasong crimes against humanity, mas mainam na boluntaryo na lamang sumuko si Sen. Ronald Dela Rosa kaysa hintaying maaresto.
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang sapilitang pag-aresto at ang posibleng paggamit ng posas, na karaniwang isinasagawa sa mga inaatasang arestuhin. Kung siya ay kusang susuko, mas magiging maayos at mapayapa ang proseso kumpara sa aktwal na pagdakip ng mga otoridad. Period!
XXX
PARANG NABUNUTAN NG TINIK SA LALAMUNAN ANG MALACAÑANG NANG HINDI IBIGAY NI SP CAYETANO KAY SEN. MARCOLETA ANG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE – Hindi nagustuhan ng ilang Duterte Diehard Supporters (DDS) ang naging desisyon ni Senate President Alan Cayetano na ang pamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee ay mapunta sa kanyang kapatid na si Pia Cayetano, sa halip na kay Rodante Marcoleta.
Dahil hindi naibigay kay Sen. Marcoleta ang chairmanship ng komite, sinasabi ng ilang obserbador na tila naging mas magaan ang sitwasyon para sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (PBBM). Ayon sa kanila, kung kay Sen. Marcoleta napunta ang pamumuno ng Blue Ribbon Committee, posibleng mas masusing imbestigasyon ang kaharapin ng ilang isyu, kabilang ang mga alegasyon kaugnay ng flood control projects.
Gayunman, nananatiling usapin ito ng liderato sa Senado at kung paano hahawakan ang mga imbestigasyon sa mga susunod na pagdinig. Boom!
XXX
KAPAG NAIPAKULONG NG MARCOS ADMIN SINA JINGGOY, CHIZ AT JOEL SIGURADONG IBIBIDA ITO NI PBBM SA KANYANG SONA – Ang pagrekomenda ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman na sampahan ng kasong plunder, indirect bribery, at graft si Sen. Jinggoy Estrada ay agad na ikinokonekta ng ilan sa mas malawak na usaping pulitikal, lalo na sa nalalapit na ikaapat na State of the
Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 2026.
Kung may direktang kaugnayan man ito sa timing ng SONA, may mga espekulasyon na maaari pang lumawak ang imbestigasyon sa iba pang personalidad na dati nang nadadawit sa isyu ng flood control anomaly at iba pang katiwalian. Gayunman, sa ngayon ay wala pang kumpirmasyon na may mga panibagong kasong isasampa laban sa ibang mambabatas.
Samantala, kung tuluyang mauuwi sa pagkakaaresto at pagkakaso ang mga kasalukuyan at dating opisyal na sangkot, inaasahan ng ilan na posibleng gamitin ito bilang patunay ng kampanya ng administrasyon laban sa korapsyon sa mga susunod na ulat ng pamahalaan, kabilang na ang SONA. Abangan!
XXX
SANA MAIPASA AGAD ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY PARA ISA LANG SA KADA ANGKAN ANG PAPAYAGANG KUMANDIDATO SA 2028 ELECTION – Pasado na sa second reading sa Kamara ang panukalang batas laban sa political dynasty.
Sana, bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), tuluyan na itong maipasa upang isa na lamang sa bawat angkan ang payagang kumandidato ng Comelec sa 2028 elections. Period!





Comments