Employer na nagpapasuweldo ng coupons
- BULGAR
- May 28, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 28, 2021
Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako bilang janitor sa maliit na tindahan. Lumiliit na diumano ang kita ng tindahan kaya’t inalok kami ng pamunuan nito na babayaran na lang diumano kami ng aming sahod sa pamamagitan ng coupons na maaaring ipagpalit sa mga paninda ng tindahan. Tumanggi ako dahil mas gusto kong mabayaran ng sahod sa pamamagitan ng pera o legal tender tulad ng dati. May batas ba tungkol dito? – Franco
Dear Franco,
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Article 102 ng Labor Code of the Philippines, kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Article 102. Forms of payment. No employer shall pay the wages of an employee by means of promissory notes, vouchers, coupons, tokens, tickets, chits, or any object other than legal tender, even when expressly requested by the employee. xxx”
Ibig sabihin, ipinagbabawal ang pagbayad ng employer ng sahod ng kanyang manggagawa sa pamamagitan ng promissory notes, vouchers, coupons, tokens, tickets, chits o kahit anong bagay maliban sa legal tender, kahit hiningi pa ito mismo ng manggagawa.
Sa inyong sitwasyon, ipinagbabawal ng batas sa pamunuan ng inyong tindahan na magbayad ng inyong sahod sa pamamagitan ng coupons na maaaring ipagpalit sa mga paninda ng nasabing tindahan. Maaari lamang magbayad ang employer ng sahod ng kanyang manggagawa sa pamamagitan ng legal tender, at hindi sa pamamagitan ng promissory notes, vouchers, coupons, tokens, tickets, chits o kahit anong bagay maliban sa legal tender, kahit hiningi pa ito mismo ng manggagawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments