Empleyado na walang Service Incentive Leave
- BULGAR
- Feb 8, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 8, 2023
Dear Chief Acosta,
Taun-taon ay tumatanggap ako ng limang araw na vacation leave na may suweldo sa aking amo. Mas kaunti ito kumpara sa mga kaibigan ko na nakakatanggap ng parehong benepisyo na sampung araw kada taon. Ang iba ko pang kaibigan ay walang vacation leave, ngunit tumatanggap sila ng Service Incentive Leave. Hiniling ko ito sa aking amo, pero tumanggi siyang ibigay dahil natatanggap ko na diumano ang parehong benepisyo. May karapatan ba ako sa Service Incentive Leave? – Rodrigo
Dear Rodrigo,
Nakasaad sa Artikulo 95 (b), Kabanata III, ng Labor Code of the Philippines, kung kailan ang isang empleyado ay hindi karapat-dapat sa Service Incentive Leave:
“Article 95. Right to Service Incentive Leave – (a) Every employee who has rendered at least one year of service shall be entitled to a yearly service incentive leave of five days with pay.
(b) This provision shall not apply to those who are already enjoying the benefit herein provided, those enjoying vacation leave with pay of at least five days and those employed in establishments regularly employing less than ten employees or in establishments exempted from granting this benefit by the Secretary of Labor and Employment after considering the viability or financial condition of such establishment.”
Sa pangkalahatan, ang bawat empleyado na nagbigay ng hindi bababa sa isang taon ng serbisyo ay may karapatan sa taunang Service Incentive Leave na limang araw na may bayad. Ang taliwas sa panuntunan ay kapag ang isang empleyado ay tumatanggap na ng limang araw na vacation leave na may suweldo.
Batay sa iyong salaysay, nakakatanggap ka ng limang araw na vacation leave na may suweldo mula sa iyong amo bawat taon. Samakatuwid, batay sa nabanggit na batas, hindi ka karapat-dapat na makakuha ng Service Incentive Leave dahil nakatatanggap ka ng limang araw na vacation leave na may suweldo taun-taon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments