top of page

Ekspertong akademisyan sa usapin kay VP Sara, nabahiran na rin ng pulitika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 14
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | June 14, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Araw ng Kalayaan noong Huwebes.

Mabuhay ang Republika ng Pilipinas!


----$$$--


Kaliwa’t kanang patutsadahan ang mga maka-VP Sara at anti-VP Sara.

Pati ang mga nagpapakilalang ekspertong akademisyan ay nabahiran na rin ng partisan politics.


----$$$--


LUMALABAS na walang lantay o dalisay na eksperto.

Lahat ay plastic at kumakampi sa kursunada nilang manok.


----$$$--


ANG masakit, ang sagradong “Konstitusyon” ay ginagasgas ng mga nagpapakilalang eksperto.

Bistadong-bistado na ang mga nag-oopinyon — ay may lihim na kulay ng “pagpanig” gamit kuno o ikinakatwiran ay pagmamalasakit sa Konstitusyon.


----$$$--


GUSTONG palabasin ng mga maka-VP Sara ay ipinagtanggol kuno ang Konstitusyon.

Sa kabilang panig, nagkukunwari ring idinedepensa ang Konstitusyon ng mga anti-VP Sara.


----$$$--


NAKAKAKONSENSIYA dahil ang integridad at dignidad ng mga unibersidad ay kinakalakal nila upang manghimasok at idepensa ang opinion o argumento na pabor nang lihim sa iniidolo nilang pulitiko o partido.

Nakakahiya at nakapanlulumo ang mga nagpapakilalang dalubhasang ito.


----$$$--


NALIMUTAN ng mga dalubhasa na ang isyung binabanggit ay nasa sala o mesa o hurisdiksyon na ng Korte Suprema, pero patuloy silang nagyayabang na ang kanilang opinion ang dapat paniwalaan.

Isang klase ng pambabastos ito sa Korte Suprema at mismo sa ipinangangalandakan nilang Konstitusyon.


----$$$--


HINDI natin alam kung bayaran o sinasaniban sila ng mga ideolohiyang nalipasan na ng panahon.

Wala sa mga nagpapakilalang eksperto ang may malawak na pag-iisip.


----$$$--


MAS maganda sana ay pumagitna sila — ibigay nila ang panig ng mga maka-VP Sara at ilantad din nila ang argumento ng mga anti-VP Sara.

Hindi puwede na ang kanilang opinion ay sobrang pabor sa iisang panig lamang.


----$$$--


DAPAT igalang ng mga nagpapakilalang eksperto sa batas ang hurisdiksyon at reglamento ng Korte Suprema.

Malinaw na may nilalabag silang regulasyon sa hudikatura at etika bilang mga abogado. 


----$$$--


KUNG tayo ay garapal na mag-oopinyon — ang lahat ng nababasa, nakikita at naririnig na argumento kaugnay ng impeachment — ay garapalang pamumulitika.

Santambak na plastic ang mga iyan — huwag ninyong paniwalaan.

Antayin ninyo ang desisyon ng Korte Suprema, at pakiusapan ang mga mamamayan na tanging makakapagbigay ng “gabay” ay ang Kataas-taasang Hukuman lamang — at wala nang iba pa!


-----$$$--


MALINAW ang isinasaad sa Konstitusyon.

Isang klase ng political exercise ang impeachment.


Ang mga ebidensya rito ay segundaryo lamang — iyan ang esensiya ng pinagdedebatehan.


Mismong ‘pusakal’ na mga pulitiko — ang uusig at hahatol dito!

Iyan mismo ang itinatadhana ng Saligang Batas.

Mahirap bang isipan ‘yan ng mga maka-VP Sara at maka-Romualdez?


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page