Eksepsyon sa ipinagbabawal na donasyon sa pagitan ng mag-asawa
- BULGAR

- 24 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 22, 2026

Dear Chief Acosta,
Limang taon na akong kasal. Bilang bahagi ng pagdiriwang sa aming ikalimang anibersaryo, nais ko sanang magbigay ng regalo o donasyon sa asawa ko. Kaugnay nito, nais kong maliwanagan kung may mga legal na balakid ba sakaling ito ay gawin ko. — Kirsten
Dear Kirsten,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga probisyon ng Executive Order No. 209, o mas kilala bilang Family Code of the Philippines, at sa mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema.
Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Artikulo 87 ng nasabing Family Code ang pangkalahatang patakaran hinggil sa donasyon sa pagitan ng mag-asawa:
“Article. 87. Every donation or grant of gratuitous advantage, direct or indirect, between the spouses during the marriage shall be void, except moderate gifts which the spouses may give each other on the occasion of any family rejoicing. The prohibition shall also apply to persons living together as husband and wife without a valid marriage.”
Batay sa nasabing probisyon, ang lahat ng donasyon o regalong ibinibigay ng isang asawa habang umiiral ang kasal ay walang bisa, maging ito man ay tuwiran o di-tuwiran. Ang tanging pinahihintulutang eksepsyon ay ang pagbibigay ng katamtamang regalo sa mga okasyon ng pagsasaya ng pamilya, gaya ng kaarawan, anibersaryo, o kapistahan.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Perez vs. Senerpida (G.R. No. 233365, 24 March 2021), sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa, ang dahilan ng nasabing pagbabawal sa ganitong paraan:
“Going back to Article 87 of the Family Code, the reason for the prohibition is explained thus:
This provision refers to donation inter vivos. It is dictated by the principle of unity of personality of the spouses during the marriage, and is intended to avoid possible transfer of property from one spouse to the other due to passion or avarice. The intimate relations of the spouses during the marriage places the weaker spouse under the will of the stronger, whatever the sex, so that the former might be obliged, either by abuse of affection or by threats of violence, to transfer some properties to the latter. The law seeks to prevent such exploitation in marriages which might have been contracted under this stimulus of greed.
Sa madaling sabi, ang pagbabawal sa donasyon sa pagitan ng mag-asawa ay itinatag ng batas upang maiwasan ang pagsasamantala, pamimilit, o di-makatarungang paglilipat ng ari-arian na maaaring idulot ng emosyonal o personal na impluwensiya ng isang asawa.
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



Comments