EDSA rehab, sa laki ng magiging perhuwisyo, dapat tuluyan nang ipa-stop
- BULGAR
- 3 days ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 2, 2025

DAPAT TULUYANG NANG SUSPENDIHIN ANG EDSA REHAB DAHIL PERHUWISYO ITO SA MAMAMAYAN -- Sinuspinde ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang rehabilitasyon ng EDSA upang magkaroon daw ng sapat na panahon ang pamahalaan na makaisip ng mas magandang plano na hindi makakaperhuwisyo nang husto sa mga motorista.
Pambihira naman, dapat ay tuluyan na itong ipa-stop kasi kapag ipinatupad na iyan, laking perhuwisyo talaga iyan sa mamamayan, lalo na sa mga motorista, boom!
XXX
HINDI DAPAT GAWING KATATAWANAN NG MGA VLOGGERS ANG PAGTULONG NI DSWD SEC. REX GATCHALIAN SA MGA MAHIHIRAP -- Sa kagustuhang makapagparami ng views ay ginawang katatawanan ng mga vloggers sa social media ang ginawang pagtulong ni Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) sa isang palaboy na babaeng lumabas sa imburnal sa Makati City.
Mahirap lang ang babae at sa kagustuhan ni Sec. Gatchalian na maiahon sa kahirapan ay pinagkalooban ito ng financial assistance na P80K para makapagpatayo ng sari-sari store sa lugar nila sa Makati City.
Sa totoo lang, mainam na si Sec. Gatchalian ang naging head ng DSWD kasi makamahirap siya, kaya ang pagtulong niya sa pobre ay hindi dapat gawing katatawanan ng mga vloggers na ang hangarin lang naman ay makapagparami ng views para kumita ng pera sa social media, period!
XXX
DAPAT GUMAWA NG EXECUTIVE ORDER SI PBBM NA MAGPAPABABA SA SAHOD NG MGA HEAD NG MGA GOCCs -- Pinagri-resign din ni PBBM ang mga head ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Sana, after magsipagsumite ng resignation ng mga head ng mga GOCCs ay gumawa agad ng executive order ang Pangulo na nagpapababa sa sahod ng mga opisyales nito, dahil sa totoo lang nakakalula ang suweldo ng mga ito, na mayroon sa kanila na sumusuweldo ng pinakamababa sa P1 milyon isang buwan, boom!
XXX
KAPAG NAGING SPOKESPERSON NA NG OVP SI ROWENA GUANZON MAGKAKAROON NA NG KATAPAT ANG TAKLESANG SI PCO USEC. CLAIRE CASTRO -- May mga kumukumbinse kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na kuning spokesperson ng Office of the Vice President (OVP) si former Comelec Comm. Rowena Guanzon.
Sakaling si Guanzon ang maging spokesperson ng OVP, magkakaroon na ng katapat si Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro na umaakto ngayong spokesperson ng Malacanang kasi pareho silang taklesa, at baka mangyari ay araw-araw magbardagulan silang dalawa, abangan!
Comments