Ebidensyang sablay, akusado lusot!
- BULGAR

- Dec 7, 2025
- 5 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 7, 2025
ISSUE #376
Sa mainit na araw ng konstruksyon sa Brgy. Bagumbayan, Teresa, Rizal, hindi ingay ng martilyo o lagari ang bumasag noong Mayo 1, 2002 – kundi ang sigaw ng alitan, hampas, at pagbagsak ng isang lalaking itago na lamang natin sa pangalang Uncle Moya.
Sa gitna ng gusot ng inuman, galit, at pagod, lumutang ang dalawang pangalan ng lalaking sina Boy Jun, pamangkin ng biktima, at ang kapwa trabahador ng biktima na siyang akusado na si Alyas Bato, na nakainitan umano ng biktima bago maganap ang trahedya.
Sa pag-ikot ng hustisya, lumutang ang tanong: Sa pagitan ng alingawngaw ng galit at bigwas ng kahoy, sino ang tunay na salarin? At may sapat bang bigat ang ebidensya upang hatulan ang akusado?
Sa kasong People of the Philippines v. Bayani (Crim. Case No. 02-53xx-M), Regional Trial Court, Branch 78, Morong, Rizal, sa panulat ni Honorable Judge Lily Ann M. Padaen noong 16 Nobyembre 2016, sinuri ng hukuman kung ang ebidensya ng tagausig ay sapat upang patunayan ang pagkakasala ni Alyas Bato sa kasong pamamaslang o Homicide.
Ayon sa impormasyon, noong Mayo 1, 2002, bandang ala-1:30 ng hapon, sa loob ng La Hacienda construction site sa Brgy. Bagumbayan, Teresa, Rizal, sinaktan at hinampas umano nang paulit-ulit ng dos-por-dos ni Alyas Bato si Uncle Moya, sa bahagi ng ulo at leeg, na naging sanhi umano ng kanyang kamatayan.
Kinasuhan ang akusado ng homicide sa ilalim ng Article 249 ng Revised Penal Code, at sa kanyang arraignment, siya ay nag-plead ng not guilty, kaya nagsimula ang pagdinig.
Sa paglilitis, ipinrisinta ng tagausig si Boy Jun, ang pamangkin ng biktimang si Uncle Moya.
Ayon kay Boy Jun, narinig umano niyang nagtatalo ang kanyang tiyuhin na si Moya at ang akusadong si Alyas Bato habang siya ay nasa second floor ng ginagawang bahay. Inilarawan niyang nag-aaway umano ang dalawa tungkol sa kanilang trabaho bilang construction workers. Sinabi rin niya na nakita niya si Alyas Bato na kumuha ng isang dos-por-dos. Ilang sandali matapos nito, bumaba siya at nadatnan ang kanyang tiyuhin na si Moya na nakahandusay na at wala nang malay.
Ngunit sa isinagawang cross-examination, lumitaw na hindi aktuwal na nakita ni Boy Jun ang mismong pananakit. Inamin niyang nasa second floor lamang siya at bumaba lamang nang makarinig ng ingay o komosyon. Dahil dito, ang mga nakita niya ay pawang resulta lamang ng insidente – hindi ang aktuwal na pangyayari.
Sa madaling sabi, walang direktang saksi sa akto ng panghahampas ng dos-por-dos na aniya ay dahilan ng tinamong pinsala ni Uncle Moya.
Tinawag din ng tagausig si P/Supt. Frez, ang medico-legal officer na nagsagawa ng autopsy sa katawan ni Uncle Moya.
Ayon sa kanyang salaysay, dinala sa Eastern Police District Crime Laboratory ang bangkay para isailalim sa autopsy, at natukoy umano niya na intracranial hemorrhage ang naging sanhi ng kamatayan.
Ngunit dito lumitaw ang napakalaking problema, hindi kailanman naisumite ng tagausig ang nasabing autopsy report bilang ebidensya, at wala ring anumang dokumentong inialok upang patunayan na may naganap na autopsy, o na ang sinuring bangkay ay talaga ngang kay Uncle Moya.
Sa madaling sabi, tanging oral testimony lamang ni P/Supt. Frez ang naiprisinta, at natapos ang presentasyon ng tagausig ng mga ebidensya nito nang hindi nai-offer ang katunayan ng pagkamatay ng biktimang si Uncle Moya.
Sa kabilang banda, ang Public Attorney’s Office (PAO), bilang counsel de oficio, sa ngalan ng isang manananggol pambayan na si Atty. Ferdinand C. Arabit, ay tumalima na huwag nang magprisinta ng ebidensya para sa panig ng depensa, sapagkat ang lahat ng subpoena na ipinadala sa akusado ay ibinalik sa hukuman na may notasyong ‘RTS – moved out’ (o ‘lumipat na ng tirahan’).”
Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Alyas Bato. Pinag-aralan ng hukuman ang kabuuang ebidensya ng tagausig at napag-alamang nabigo itong patunayan ang pagkakasala ni Alyas Bato nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Ayon sa Hukuman, nagkulang ang tagausig sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento at pleadings sa kaso.
Una, hindi sila nagsumite ng memorandum na sana ay naglalaman ng kabuuang pagsusuri, synthesis, at legal na batayan ng kanilang ebidensya.
Pangalawa, nang i-rest ang kaso noong Agosto 24, 2009, hindi rin sila nagsagawa ng formal offer of evidence.
Ayon sa Hukuman, wala man lamang naisumiteng dokumento gaya ng death certificate, autopsy report, o anumang medico-legal findings na magpapatunay sa mismong pagkamatay ng biktima.
Sa madaling sabi, naghain sila ng kasong homicide, ngunit kahit isang dokumento upang patunayan na may taong namatay ay hindi naisama sa records ng korte.
Hinggil sa nabanggit, muling nilinaw ng Hukuman na ang kasong homicide ay may apat na elemento:
May isang taong namatay
Ang akusado ang pumatay
May intensiyon siyang pumatay, na pinapalagay sa mga sadyang pananakit
Walang qualifying circumstance (kaya Homicide, hindi Murder)
Sa kasong ito, batid ng Hukuman na walang saysay na talakayin ang tatlong natitirang elemento kung ang unang elemento pa lamang – ang mismong pagkamatay ay hindi naman napatunayan. Ito ang pinakamalaking butas sa kaso.
Binigyang-diin ng Hukuman na mahalagang tandaan na sa homicide, ang unang pundasyon ng kaso ay ang fact of death o katunayan ng pagkamatay. Kailangang mapatunayan na may taong namatay, bago pa pag-usapan kung sino ang pumatay, kung may intensiyon, o kung ano’ng sirkumstansyang nakapalibot sa insidente. Ngunit sa kasong ito, nabigo ang tagausig na patunayan kahit ang pinakaunang elemento ng krimen. Ito ang pinakamalaking butas na bumalot sa buong paglilitis.
Ibinahagi rin ng Hukuman na lalo pang lumala ang sitwasyon nang hindi naisama sa ebidensya ang dokumentong autopsy report, sa kabila ng pagkakakilanlan nito sa testimonya ni P/Supt. Frez. Tulad ng itinuro sa Sabay v. People (G.R. No. 192150, 1 Oktubre 2014, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Arturo D. Brion), hindi sapat na ma-identify lamang sa testimonya ang isang dokumento; kinakailangan itong maipasok sa records sa pamamagitan ng formal offer. Sa kasong ito, walang anumang formal offer ang naisumite. Hindi maaaring magbigay ng judicial notice ang korte upang punan ang kakulangang ito. Ang oral testimony lamang ng medico-legal officer ang naiwan, at ayon sa batas, hindi iyon sapat upang maitaguyod ang fact of death nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Kaya’t nang usisain ng hukuman ang kritikal na tanong – kung napatunayan ba nang may moral certainty na namatay si Uncle Moya at si Alyas Bato ang pumatay – ang naging sagot ng korte ay malinaw na hindi. Walang dokumentong nagpapatunay sa mismong pagkamatay ng sinasabing biktima. Dahil dito, hindi rin maikakabit kay Alyas Bato ang anumang pananagutan. Tahasang sinabi ng hukuman na hindi napatunayan ang guilt of the accused beyond reasonable doubt.
Binigyang-diin ng Hukuman ang konstitusyonal na presumption of innocence. Ang akusado ay mananatiling inosente hanggang hindi napatutunayan ang kabaligtaran.
Ayon sa Hukuman, hindi rin diumano napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin sapagkat sa cross-examination ng saksing si Boy Jun, lumalabas na hindi nito mismong nasaksihan ang akto ng pananakit sa kanyang Uncle Moya.
Muli, tungkulin ng tagausig ang magdala ng ebidensya. Ngunit sa kasong ito – walang proof of death, hindi natukoy ang pagkakakilanlan ng salarin, walang formal offer of evidence, walang dokumentong medico-legal, at hindi rin naisumite ang memorandum. Dahil dito, hindi naabot ng tagausig ang kinakailangang antas ng ebidensya sa kasong kriminal.
Sa huli, idineklarang walang sala si Alyas Bato at walang pananagutang sibil. Ang kabiguan ng tagausig na patunayan ang guilt beyond reasonable doubt ang naging pangunahing dahilan ng pagpapawalang-sala. Sa pagtatapos, paalala ng kasong ito na sa mata ng batas, ang hustisya ay hindi nakapatong sa mga tanong o suspetsa sapagkat ito ay nakasalalay sa bigat at katumpakan ng ebidensya.
Gayunpaman, tila humuhugot pa rin ng daing mula sa hukay ang katahimikan ng lugar kung saan hinimlay ang malamig na bangkay ni Uncle Moya – isang paalala na ang hustisya ay hindi lamang paghahanap ng salarin, kundi pagtiyak na tama at patas ang proseso ng paghuhusga.
Sa pagitan ng init ng alitan at lamig ng papeles, isang pagpapakita sa lahat na kung walang matibay na katibayan, hindi maaaring ibulid sa bilangguan ang isang mamamayan, sapagkat pinaiiral ang hustisya na idinidikta na kapag kulang ang ebidensya, katarungan ang nag-uutos ng pagpapawalang-sala.








Comments