top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Karapatan sa absolute community property

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 6, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sa kasong Quial vs. Quial, G.R. No. 176556, July 4, 2012, sinabi ng Korte Suprema na kapag ang mag-asawa ay sumailalim sa sistema ng absolute community, sila ay nagiging magkatuwang na may-ari ng lahat ng ari-arian ng kanilang pagsasama.


Anumang ari-arian na dala ng bawat isa sa kasal, pati na ang mga nakuha habang sila ay kasal (maliban sa mga hindi kasama ayon sa Artikulo 92 ng Family Code), ay bumubuo sa pinagsamang ari-arian ng mag-asawa. At kapag natapos o nabuwag ang kasal o ang nasabing sistema ng ari-arian, ang pinagsamang ari-arian ay hahatiin sa pagitan ng mag-asawa—o ng kani-kanilang mga tagapagmana—nang pantay o ayon sa proporsyong itinakda ng mga partido, anuman ang halaga ng ari-arian na orihinal na pag-aari ng bawat isa.


Ang absolute community of property sa pagitan ng mag-asawa, ayon sa batas, ay nagsisimula sa eksaktong oras ng pag-iisang dibdib. Anumang istipulasyon para sa pagsisimula ng community regime sa ibang pagkakataon ay walang bisa. Ang community property ay binubuo ng lahat ng pag-aari ng mag-asawa sa oras ng selebrasyon ng kanilang kasal at ng iba pang makukuha nila pagkatapos nito. Lahat ng uri ng ari-ariang makukuha sa loob ng kasal ay ipinagpapalagay na kasama sa community property maliban lamang kung may ebidensya kontra rito.


May mga ari-arian din namang hindi sakop ng absolute community property katulad na lamang ng ari-ariang ibinigay sa isa sa mag-asawa sa pamamagitan ng gratuitous title kasama pati ang mga kita nito, maliban lamang kung ang nagbigay ay hayagan niyang sinabi na ito ay kasama sa community property. Maging ang mga personal at eksklusibong gamit (maliban sa alahas) ng mag-asawa ay hindi rin kasama sa community property.   


Ang mga ari-arian na nakuha bago ang kasal ng isa sa mag-asawa na mayroong lehitimong mga anak sa kanyang unang naging kasal, maging ang mga bunga o kita nito ay hindi rin kasama sa absolute community.


Ang pamamahala ng community property ay ipinagkakaloob ng batas sa parehong mag-asawa at kung mayroong hindi pagkakaunawaan, ang desisyon ng asawang lalaki ang masusunod. Subalit ang asawang babae ay maaaring dumulog sa husgado para sa tamang remedyo sa loob ng limang (5) taon mula sa petsa ng kontrata na nagpapatupad nito. Sa pagkakataong ang isa sa mag-asawa ay nawalan ng kapasidad o sa ibang dahilan ay hindi makakasali sa pamamahala ng common properties, ang isa sa kanila ang magtutuloy ng pamamahala. Subalit hindi sakop ng pamamahalang ito ang karapatang magbenta o magsangla maliban kung utos ng husgado o mayroong pahintulot ng asawang hindi namamahala. Sa kawalan ng mga nasabing utos ng husgado o pahintulot na kailangan ng batas, anumang pagbebenta o pagsangla ay walang bisa.


Ang mag-asawa ay may karapatang ipamigay sa pamamagitan ng huling habilin o testamento ang kanilang interes sa community property. Subalit hindi nila puwedeng ipamigay sa pamamagitan ng donasyon ang alinmang bahagi ng community property nang walang pahintulot ng bawat isa. Ngunit maaaring mamigay ang sinuman sa kanila ng moderate donations kapag may okasyon ang pamilya.


Kung ang isa sa mag-asawa ay inabandona ang isa o hayagang hindi tinutupad ang kanyang mga obligasyon sa pamilya, ang naagrabyadong asawa ay maaaring magpetisyon sa husgado upang humingi ng judicial separation of property o pahintulot na maging solong tagapamahala ng community property. Ang isang asawa na umalis sa conjugal dwelling nang higit sa tatlong buwan o nakaligtaang ipaalam ang kanyang kinaroroonan sa loob ng nasabing buwan ay ipinagpapalagay na nag-abandona ng pamilya.  


Ang absolute community property regime ay nabubuwag sa kamatayan ng isa sa mag-asawa o kung may decree ng legal separation o kung napawalang-bisa ang kasal o nadeklarang walang bisa o kung nagkaroon ng judicial separation of property. Subalit ang paghihiwalay lamang ng mag-asawa nang walang deklarasyon ang husgado ay hindi makakaapekto sa community property regime. Ang tanging epekto nito ay ang pagkawala ng suportang pabor sa asawang umalis na walang sapat na dahilan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page