top of page
WINNER - 200 EMPLEYADO NG ABS-CBN, TATANGGALIN-ABS CBN.jpg

Du30, humarap na sa ICC

Writer: BULGAR
BULGAR
50 minutes ago
2 min read

ni Mylene Alfonso @News | September 17, 2026



Du30, humarap na sa ICC

Photo: Ang dating Pangulong Rodrigo Duterte - International Criminal Court



Sa kauna-unahang pagkakataon, personal na dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa status conference ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na kinakaharap niya.


Nakasuot ng itim na amerikana at puting polo na walang kurbata habang nakaupo ang dating pangulo na nakasandal ang kanyang baba sa magkapatong na mga kamay nang buksan ang pagdinig.


Binanggit ni Judge Joanna Korner na ito ang unang pagkakataon na personal na humarap sa korte ang dating pangulo, at ipinaalala na maaari siyang umalis ng silid ng pagdinig anumang oras nang hindi na kinakailangang humingi ng pahintulot sa hukuman.


Patuloy na iginiit ng kanyang abogado na hindi siya akmang humarap sa paglilitis, dahil sa mga alalahanin sa kanyang kalusugan kaugnay ng kanyang edad, partikular na ang umano'y problema sa kanyang memorya.


Sa naturang status conference, tatalakayin ng Trial Chamber ang mga paghahanda para sa paglilitis, kabilang ang listahan ng mga testigo ng prosekusyon, oras na ilalaan sa pag-uusig, mga ebidensiyang ihaharap, pagbubunyag ng ebidensiya sa depensa, at iba pang mahahalagang usaping may kaugnayan sa kaso.


Pag-uusapan din ng korte ang iskedyul ng mga pagdinig mula Nobyembre 30, 2026 hanggang sa Spring Recess ng 2027, pati ang panukalang magkaroon ng magkakahiwalay na bloke ng mga pagdinig na may mga pagitan ng pahinga batay sa rekomendasyon ng mga eksperto.


Matatandaang nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at bilang Pangulo ng Pilipinas.


Noong Marso 2025, inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at kasalukuyang nakadetine sa ICC Detention Centre sa Scheveningen, The Hague, Netherlands, habang nagpapatuloy ang proseso ng kanyang paglilitis.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page