Drone attack sa Saudi, 11 sapul

ni Justine Berganio @Overseas News | November 26, 2026

Photo: Ang nasa larawan ay ang Public Investment Fund (PIF) tower, HQ ng Saudi sovereign wealth fund, matapos ang Houthi attack sa Riyadh, Saudi Arabia. File: Saudi Press Agency via Reuters / Circulated
Nasa 11 katao ang sugatan matapos atakehin ng drone ng Houthi group ang isang gusali sa King Abdullah Financial District sa Riyadh, Saudi Arabia nitong Martes.
Kabilang sa mga biktima ang dalawang Saudi national, dalawang Indian, tatlong Nepali at apat na Egyptian. Ayon sa Saudi Civil Defense, agad na rumesponde ang emergency personnel upang iligtas ang mga sibilyan at tiyakin ang kaligtasan sa lugar.
Nasira ang bahagi ng gusaling kinaroroonan ng headquarters ng Saudi Public Investment Fund, ang sovereign wealth fund ng bansa. Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente, habang nagbanta ang Saudi-led coalition ng mahigpit na tugon sa sinadyang pag-atake sa mga sibilyan at pasilidad.
Ikalawang pag-atake na ito sa financial district ng Riyadh sa loob ng wala pang isang linggo. Nagdulot na rin ang sunod-sunod na pag-atake ng kanselasyon ng maraming international flights at pagpapaliban o pagkansela ng malalaking international events, kabilang ang AFC Asian Cup.
Kinondena ng Gulf Cooperation Council at ilang bansa gaya ng Qatar, United Arab Emirates, Kuwait, Lebanon, United States at Pakistan ang insidente. Tinawag naman ng US Secretary of State Marco Rubio na teroristang pag-atake ng Iran-backed Houthi ang mga pag-atake sa mga sibilyan at pasilidad pang-enerhiya ng Saudi Arabia.
Patuloy ang tensiyon sa Yemen kung saan muling sumiklab ang labanan noong Hulyo kasabay ng digmaan ng US at Iran. Libu-libong pamilya ang napilitang lumikas dahil sa bakbakan sa pagitan ng Houthi at mga puwersang suportado ng Saudi Arabia.





Comments