Pagtaas ng gastos sa food aid, 7.3 milyon katao, nanganganib

ni Justine Berganio @World News | November 25, 2026

Photo: File / AFP
Maaaring mawalan ng tulong para sa pagkain ang karagdagang 7.3 milyong katao sa buong mundo dahil sa inaasahang pagtaas ng gastos ng World Food Programme (WFP) ng $727 milyon o halos 6% pagsapit ng kalagitnaan ng 2027, bunsod ng mga digmaan sa Middle East at Ukraine.
Ayon kay WFP Executive Director Luke Lindberg, naaantala ang pagbiyahe ng mga pagkain at pataba dahil sa mga kaguluhan sa Strait of Hormuz, Bab el-Mandeb Strait at Black Sea, habang pinalalala pa ito ng mga epekto ng climate change gaya ng El Niño.
Dahil dito, nanawagan si Lindberg sa mga bansa na muling magkasundo sa ligtas na pagpapadala ng trigo at iba pang butil mula sa Ukraine at Russia. Tinatayang 10 milyong tonelada ng grain ang nakaimbak sa mga silo at maaaring hindi makarating sa mga bansang nangangailangan. Sapat umano ang dami nito upang mapakain ang 44 milyong katao.
Bumaba rin ng 63% ang bilang ng mga barkong may dalang trigo at mais na dumaan sa Bosphorus Strait pagsapit ng kalagitnaan ng Oktubre kumpara sa kaparehong panahon noong 2025. Mahigit 300 pag-atake na ang naitala sa mga rutang pandagat at hindi bababa sa 40 tripulante ang nasawi.
Sa kasalukuyan, nasa 266 milyong katao na ang nakararanas ng matinding kagutuman sa buong mundo, habang nanganganib sa taggutom ang ilang bahagi ng Sudan, South Sudan at Somalia. Umaasa rin ang Somalia sa inaangkat na pagkain para sa 90% ng pangangailangan nito.
Nauna nang nagpatupad ang UN ng Black Sea Grain Initiative noong 2022 na nagbigay-daan sa ligtas na pag-export ng halos 33 milyong tonelada ng Ukrainian grain, ngunit umatras ang Russia sa kasunduan noong 2023. Iminungkahi ni Lindberg na dapat saklawin ng panibagong kasunduan ang parehong Russian at Ukrainian exports.
Dahil sa tumataas na presyo ng pagkain, enerhiya at transportasyon, ibinaba na rin ng WFP ang target nitong matulungan sa pagkain ang 91 milyong katao sa 2027 mula sa 110 milyon ngayong taon. Maaari pa itong mabawasan kung patuloy na tataas ang gastos at mananatiling limitado ang suplay ng pataba, na 30% ay dumadaan sa Strait of Hormuz.





Comments