DPWH, mag-iimbestiga sa flood control project scams, hindi katanggap-tanggap!
- BULGAR

- Aug 26
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 26, 2025

DAPAT ISABATAS NA ANG DEATH PENALTY PARA MA-FIRING SQUAD ANG MGA NANG-I-SCAM SA PERA NG BAYAN – Noong nakaraang 19th Congress ay nag-file ang noo’y Zamboanga City 1st District Rep. Khymer Olaso ng panukalang batas na patawan ng death penalty sa pamamagitan ng firing squad ang mga kurakot na politicians at gov’t. officials.
Dahil sa nabulgar na pumalo na sa higit P1 trilyon mula year 2011 hanggang 2025 ang nakurakot daw ng mga politician, gov’t. officials at mga kasabwat nilang mga kontraktor, ang panukalang batas na ito ni Olaso ay dapat buhayin ngayong 20th Congress at dapat agad-agad isabatas na ito para ma-firing squad na ang mga nagsasabwatan sa pang-i-scam sa pera ng bayan, dali!
XXX
KUNG AFTER MAINTERBYU ANG MAG-ASAWANG DISCAYA, GINAWA NINA KORINA AT JULIUS IBINULGAR ANG FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM UMANO NG MGA KONTRAKTOR NA ITO, PINUPURI SANA SILA AT ‘DI BINA-BASH NG NETIZENS -- Patuloy pa ring bina-bash ng netizens sa social media sina broadcast journalist/vloggers Korina Sanchez at Julius Babao kahit itinanggi na nila na kesyo wala raw katotohanan ang ibinulgar ni Mayor Vico Sotto na sila ay binayaran umano ng tig-P10 milyon para pabanguhin sa publiko ang pangalan ng kalaban niya sa pagka-alkalde ng Pasig City na si kontraktor Sarah Discaya.
Kung ang ginawa sana nina Korina at Julius nang matapos ang interbyu nila sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay nagtungo sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) at inalam kung saan-saang lugar may mga flood control project ang mga construction firm ng mag-asawang Discaya dahil kaduda-duda ang yaman nila, at saka nila ibinulgar na maraming anomalya umano sa ginawang proyekto ng mag-asawang kontraktor na ito, sana ay pinupuri sila at hindi pinuputakti ng pamba-bash ng mga netizens, period!
XXX
PORK BARREL SENATORS AND CONGRESSMEN BAKA MAGSIPAGKANDIDATO NA SA PAGKA-GOVERNOR AT PAGKA-MAYOR KAPAG MGA LGU NA ANG MAG-AAPRUB SA DPWH PROJECTS -- Dahil sa nabulgar na mga anomalya sa flood control projects, ang nais na mangyari ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay idaan muna sa mga local government units (LGUs) ang mga infrastructure project ng DPWH, at bago umpisahan ang proyekto ay dapat may approval ito ng mga gobernador at mayor.
Kapag nangyari iyan, naku malamang, ‘yung mga pork barrel senator and congressmen na sabit sa mga flood control project scams ay hindi na kumandidato sa pagka-senador at sa pagka-congressman, baka lahat sila tumakbo na sa pagka-gobernador at pagka-mayor, boom!
XXX
HINDI KATANGGAP-TANGGAP NA ANG DPWH NA SANGKOT ANG MAG-IIMBESTIGA SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAMS -- Sabi ni DPWH Sec. Manuel Bonoan ay binigyan daw siya ng direktiba ni PBBM na imbestigahan niya ang mga sangkot sa flood control projects scam at dapat daw kasuhan para managot ang mga dawit sa anomalyang ito.
Kung ganu’n, kaya pala ayaw ni PBBM magtatag ng "Fact Finding Commission" na mag-iimbestiga sa flood control project scams ay dahil ipinagkatiwala na ng Presidente kay Sec. Bonoan ang imbestigasyon dito.
Sa totoo lang, hindi ito katanggap-tanggap sa publiko dahil mali ang desisyon ng Presidente na ang departamento ng pamahalaan na nasasangkot sa umano’y katiwalian, itong DPWH pa ang pinagkatiwalaang mag-imbestiga sa flood control project scams, tsk!







Comments