top of page
SHEET - MGA ARTISTANG NAG-EENDORSO NG ONLINE GAMBLING, ‘DI NAGLALARO-IG _ogie_diaz.jpg

Donasyon sa hindi pa ipinapanganak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 24, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mayroon akong katanungan tungkol sa ginawang donasyon ng aking tiyuhin para sa hindi pa isinisilang na anak ng kanyang buntis na kasintahan.  Matapos ang anim na buwang pagbubuntis ng kanyang kasintahan, ipinanganak ang fetus at pinangalanang Grace. Ngunit namatay si Grace pitong oras pagkatapos ng kapanganakan. Sa ngayon, gustong bawiin ng aking tiyuhin ang kanyang donasyon na nagkakahalaga ng P800,000. Maaari niya ba itong gawin? Maraming salamat po sa inyong kasagutan. — Lexi





Dear Lexi,


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa sa Artikulo II, Seksyon 12 ng 1987 Konstitusyon ng ating bansa na:


“Section 12. The State recognizes the sanctity of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution. It shall equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception. The natural and primary right and duty of parents in the rearing of the youth for civic efficiency and the development of moral character shall receive the support of the Government.”


Dagdag pa rito, nakasaad sa New Civil Code of the Philippines, partikular sa Artikulo 40 at 41 nito, hinggil sa personalidad ng isang tao. Nakasaad dito na ang kapanganakan ang tutukoy sa personalidad. Ang nabuong nilalang sa sinapupunan ng ina ay itinuturing na ipinanganak kung ang mga kondisyon na nakasaad sa Artikulo 41 ay makakamtan. Nakasaad dito na:



Article 40. Birth determines personality; but the conceived child shall be considered born for all purposes that are favorable to it, provided it be born later with the conditions specified in the following article. 


Article 41. For civil purposes, the fetus is considered born if it is alive at the time it is completely delivered from the mother's womb. However, if the fetus had an intra-uterine life of less than seven months, it is not deemed born if it dies within twenty-four hours after its complete delivery from the maternal womb.”


Ayon sa nasabing Code ng ating bansa, itinuturing na ang fetus ay isang tao para sa kanais-nais na layunin o para sa ikabubuti niya hinggil sa mga kondisyong alinsunod sa Artikulo 41 ng New Civil Code. Sa ilalim ng nasabing probisyon, upang ituring na ipinanganak, ang isang fetus na may intrauterine life na mas mababa sa pitong buwan ay dapat mabuhay ng 24 na oras mula sa kapanganakan. 


Kaya naman, sa sitwasyon ng iyong tiyuhin, maaari niyang bawiin ang kanyang donasyon kay Grace. Habang ang kanyang donasyon ay pabor sa nabuong fetus sa sinapupunan ng kanyang kasintahan, ang donasyong ito ay hindi naging epektibo dahil si Grace ay nagkaroon ng intrauterine life na mas mababa sa pitong buwan at hindi umabot ang buhay niya ng 24 oras mula sa kapanganakan. Hindi nasunod ang mga kondisyong nakatala sa Artikulo 41 ng New Civil Code, kung kaya’t hindi maituturing na ipinanganak si Grace. Dahil hindi siya maituturing na ipinanganak sa mata ng batas, wala rin siyang “juridical capacity” para tumanggap ng donasyon. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page