Domino effect, problema ng mga tsuper, problema rin ng publiko
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 15, 2026

Malungkot kung iisipin na sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tila sabay-sabay ding bumibigat ang pasanin ng parehong tsuper at komyuter.
Habang patuloy na sumisirit ang halaga ng petrolyo sa pandaigdigang merkado, ang mga nasa kalsada araw-araw ang mga tsuper ng public utility vehicles ang unang nakararamdam ng direktang epekto nito. Pati ang mga ordinaryong mamamayan na umaasa sa pampublikong transportasyon ay nadadamay sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamasahe.
Dahil sa lumalaking pagkalugi, napipilitan ang isang transport group na humiling ng humigit-kumulang ₱2 provisional fare increase para sa mga public utility vehicles (PUVs).
Ayon sa transport group, umaabot na sa ₱400 hanggang ₱500 ang nawawala sa arawang kita ng mga tsuper dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa mga nakalipas na linggo, umabot sa ₱25 hanggang ₱30 kada litro ang itinaas sa presyo ng petrolyo.
Ang pagtaas na ito ay inuugnay sa patuloy na tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa global oil supply. Mas lalo pang pinangangambahan ng sektor ng transportasyon ang inaasahang panibagong ₱15 na dagdag sa presyo ng langis sa mga susunod na linggo.
Iginiit din na hindi umano nila agad pinili ang paghingi ng dagdag-pasahe. Para sa kanila, ito ay huling opsyon lamang matapos subukan ang iba’t ibang paraan upang makatipid at mapanatili ang operasyon.
Isa sa mga hakbang na ipinatutupad ng ilang tsuper ay ang alternate driving schedules, kung saan hindi sabay-sabay bumibiyahe ang mga sasakyan upang maiwasan ang agawan sa pasahero, lalo na sa mga oras na matumal ang sakay tulad ng off-peak hours.
Sa kabila ng tulong mula sa pamahalaan, sinabi ng grupo na hindi sapat ang ₱5,000 fuel subsidy upang mapunan ang kanilang patuloy na pagkalugi. Dahil dito, nananawagan ang nasabing grupo sa gobyerno na pag-aralan ang suspensyon o pagbabawas ng excise tax at value-added tax sa langis upang mabawasan ang epekto ng oil price hike hindi lamang sa mga tsuper kundi pati sa mga komyuter.
Malinaw na ang isyu ng pamasahe ay hindi lamang simpleng usapin ng transport sector. Ito ay konektado sa kabuhayan ng libu-libong tsuper at sa araw-araw na gastusin ng milyun-milyong Pilipinong umaasa sa pampublikong sasakyan.
Sa sitwasyong ito, makikita na ang problema sa presyo ng langis ay may domino effect sa buong lipunan.
Kapag nahirapan ang mga tsuper, naaapektuhan din ang komyuter. Ang hamon ngayon ay kung paano makakahanap ng balanseng solusyon na makatutulong sa transport sector nang hindi rin masyadong nagpapabigat sa bulsa ng taumbayan.
Ang tunay na layunin ay hindi lamang ang pagtaas o pagbaba ng pamasahe, kundi ang pagtiyak na ang sistema ng transportasyon ay mananatiling makatarungan at abot-kaya para sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments