DOJ, ipinamukha kay Sen. Risa na hindi dapat balat-sibuyas ang mga opisyal
- BULGAR
- 4 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 7, 2026

VP SARA, MGA CONG., MGA SEN. AT PBBM, DAPAT MANAGOT KASI ‘DI NAMAN LAW ENFORCEMENT AGENCY ANG OVP AT DEPED PERO NILAGYAN NILA NG CONFI FUNDS – Isa sa pinakasentro ng isyu sa isinampang kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang umano’y pagkaka-scam ng ₱650 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim ng kagawaran.
Sa totoo lang, hindi lamang si VP Sara ang dapat managot sa isyung ito. May pananagutan din ang mga kongresista, mga senador, at maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), sapagkat lahat sila ay may papel sa pag-apruba at pagpapatupad ng nasabing pondo.
Noong magkakaalyado pa sila, mistulang walang pag-aalinlangan ang pagsang-ayon sa paggamit ng kaban ng bayan. Humiling si VP Sara ng ₱150 milyon para sa OVP at ₱500 milyon para sa DepEd, kapwa bilang confidential funds. Agad namang inaprubahan ito ng Kongreso at Senado, nilagdaan ng Pangulo, at isinama sa 2023 national budget—kahit batid nilang hindi dapat binibigyan ng confidential funds ang OVP at DepEd sapagkat hindi mga law enforcement agency ang mga ito. Period!
XXX
SA NAKALIPAS LANG NA ISANG BUWAN, 100K PINOY ANG NAGING JOBLESS – Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 2.26 milyon ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa noong Disyembre 2025, bahagyang mas mataas kumpara sa 2.25 milyong naitala noong Nobyembre 2025.
Ipinapakita ng datos na sa loob lamang ng isang buwan ay may humigit-kumulang 100,000 Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay. Kung magpapatuloy ang ganitong trend, lubhang nakakabahala ang posibilidad na buwan-buwan ay nadaragdagan ang bilang ng mga nawawalan ng trabaho.
Ito ang malungkot na kalagayan sa kasalukuyang administrasyon—sa halip na makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho, mas dumarami pa ang mga Pilipinong nawawalan ng kabuhayan. Saklap!
XXX
DOJ, IPINAMUKHA KAY SEN. RISA NA DAPAT ANG TULAD NIYANG GOV'T. OFFICIAL AY HINDI NAGBABALAT-SIBUYAS SA MGA PUNA NG PUBLIKO – Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong cyberlibel na isinampa ni Sen. Risa Hontiveros laban sa mga Duterte Diehard Supporters (DDS) na umaatake sa kanya.
Ayon sa desisyon ng DOJ, ipinapaalala nito na ang mga opisyal ng gobyerno tulad ni Sen. Hontiveros ay hindi dapat nagbabalat-sibuyas sa mga kritisismo mula sa publiko. Boom!
XXX
MANHUNT KAY ATONG, TULOY – Mali ang akala ng ilang netizens na hindi na dadakpin si gambling tycoon Charlie "Atong" Ang matapos ipagpaliban ng San Pablo City (Laguna) Regional Trial Court (RTC) ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya dahil sa mosyong inihain ng kanyang mga abogado.
Para sa kaalaman ng publiko, hindi pa din dinidinig sa San Pablo City RTC ang mga kasong kidnapping with homicide at illegal detention laban kay Atong Ang na may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero. Ngunit, ang dalawang naunang kaso sa Sta. Cruz City (Laguna) RTC at Lipa City (Batangas) RTC ay natapos na, kaya may inilabas nang warrant of arrest laban sa gambling tycoon.
Ibig sabihin, tuloy ang manhunt operations ng mga awtoridad laban kay Atong Ang, na nahaharap sa mga kasong walang bail. Period!




