DOE: Publiko ‘wag muna mag-panic, imbak na langis sapat pa ng 40 araw
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 19, 2026

Hindi pa muna dapat mag-panic ang publiko, dahil sa kabila ng pangamba ng marami, tiniyak ng Department of Energy (DOE) na may sapat pang suplay ng petrolyo ang bansa, pero ang tanong ng marami, hanggang kailan ito magiging sapat?.
Ngunit sa likod ng katiyakang ito, nananatiling sensitibo ang sitwasyon, lalo na para sa ordinaryong mamamayan na araw-araw umaasa sa abot-kayang presyo ng gasolina.
Ayon sa DOE, hindi pa kinakailangan ang pagrarasyon ng langis dahil nananatiling matatag ang imbentaryo ng bansa, na tinatayang aabot pa sa mahigit 40 araw. Ibig sabihin, kahit may kaguluhan sa pandaigdigang merkado, may sapat pang buffer ang Pilipinas upang maiwasan ang agarang kakulangan sa suplay ng gasolina at diesel.
Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na wala nang dapat ikabahala. Sa katunayan, mas pinaigting ngayon ng pamahalaan ang pagbabantay laban sa mga posibleng hoarding o pagtatago ng langis na maaaring magdulot ng artificial shortage.
Ang ganitong gawain ay hindi lamang ilegal kundi direktang magpapasakit sa bulsa ng taumbayan dahil maaaring magdulot ito ng biglaang pagtaas ng presyo.
Bilang paghahanda sa mga posibleng epekto ng patuloy na tensyon sa Middle East, sinisikap din ng gobyerno na palakasin ang ugnayan sa ibang bansa tulad ng Russia at China upang matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng petrolyo.
Isa itong hakbang upang hindi lubusang umasa sa iisang pinanggagalingan ng langis, lalo na sa panahong hindi tiyak ang galaw ng pandaigdigang merkado.
Kasabay nito, nananawagan ang DOE sa publiko na umiwas sa panic buying, dahil maaari itong magpalala ng sitwasyon.
Kapag nag-unahan ang mga mamimili sa pagbili ng gasolina, nagkakaroon ng impresyon ng kakulangan kahit sapat naman ang suplay.
Pinayuhan din ang publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad ng mga gasolinahan sa DOE o sa pamamagitan ng E-Gov PH app upang mapigilan ang pang-aabuso.
Sa ganang akin, mahalaga ang malinaw at transparent na komunikasyon mula sa pamahalaan. Ang katiyakan ng suplay ay hindi lamang usapin ng numero kundi ng tiwala.
Kapag ramdam ng mamamayan na kontrolado ang sitwasyon, mas nagiging maayos ang daloy ng merkado at naiiwasan ang ‘pagpa-panic.
Ang usapin dito ay hindi lamang kung sapat ang suplay ng langis kundi kung paano mapapanatiling abot-kaya ang presyo nito para sa mga mamamayan. Dahil ‘pag usapang reyalidad, kahit may sapat na imbentaryo, kung mataas naman ang presyo, patuloy pa ring magdurusa ang taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments