DOE, magaling lang sa pag-aanunsyo ng oil price hike pero ‘pag solusyon sa problemang brownout, nganga!
- BULGAR

- 4 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 19, 2026

TINANGGAP NA NG SENADO ANG SULAT NG SUSPENSION ORDER KAY APLASCA AT SUBPOENA SA MGA CCTV – Kahapon, tinanggap ng Senate of the Philippines ang sulat-kautusan mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng suspension order laban kay Senate-OSAA (Office of the Sergeant-at-Arms) Chief Mao Aplasca, pati na rin ang subpoena para sa CCTV footage ng Senado.
Kasama sa hinihinging ebidensya ang mga kuha sa insidente ng umano’y barilan sa pagitan ng OSAA at National Bureau of Investigation, gayundin ang mga CCTV sa mga dinaanan palabas ng gusali nina Ronald Dela Rosa at Robin Padilla.
Ang tanong ngayon: susundin kaya ng Senado ang mga kautusang ito ng Office of the Ombudsman? Abangan!
XXX
DAPAT BAWASAN NI OMBUDSMAN REMULLA ANG PAGIGING MADALDAL SA MEDIA PARA HINDI SIYA LAGING SUMASABLAY – Naputakte na naman ng batikos si Ombudsman Boying Remulla matapos ang kanyang pahayag na sa Setyembre 2026 pa isasampa ang kasong plunder laban sa mga senador at kongresistang umano’y sangkot sa flood control scandal.
Umani ng kritisismo ang naturang pahayag dahil ilang ulit na rin umanong nagbigay ng petsa ang opisyal sa mga nakaraang buwan ngunit hindi ito natutuloy. Noong Nobyembre 2025, sinabi niyang may mga incumbent senators na umano’y sangkot sa anomalya ang magpapasko sa kulungan, subalit hindi ito nangyari. Noong Marso 2026 naman, inihayag niyang isasampa ang mga kasong plunder laban kina Sen. Chiz Escudero at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa Abril 2026, ngunit hanggang Mayo 2026 ay wala pa ring naisasampang kaso.
Sa gitna ng mga naunang pahayag na hindi natupad, muling nabuhay ang diskusyon matapos ang bagong petsang ibinigay para sa paghahain ng kaso.
Giit ng ilang kritiko, mas mainam umanong mag-ingat sa mga pahayag sa publiko upang maiwasan ang kalituhan at mawalan ng tiwala ang taumbayan sa proseso. Period!
XXX
NAGING BAD IMAGE SI PBBM SA MUNDO, KUNG MAY UTOS LANG SIYA NA DAKPIN NA SI SEN. DELA ROSA, WALA NA SANANG KAWALA ITO – Isa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa itinuturong responsable sa pagtakas sa Senado ni Sen. Ronald Dela Rosa, na umano’y wanted sa International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity.
Matapos ang kaguluhan sa Senado, naglabas ng pahayag ang Pangulo sa pamamagitan ng live video na wala siyang ipinag-utos na pag-aresto kay Sen. Dela Rosa. Bilang commander-in-chief, ito umano ang naging batayan ng senador upang makalabas ng Senado at maiwasan ang posibleng pag-aresto.
Dahil dito, sinasabi ng ilan na naapektuhan ang imahe ng administrasyon sa international community, dahil maaari na sanang maaresto ang senador ngunit hindi ito natuloy matapos ang naturang pahayag ng Pangulo. Boom!
XXX
MAGALING LANG ANG DOE SA PAG-AANUNSYO NG OIL PRICE HIKE PERO PAG SOLUSYON SA PROBLEMANG BROWNOUT, NGANGA! – Nakaranas ng rotating brownout ang ilang lugar sa Metro Manila at ilang probinsya, na ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay dulot ng pagnipis ng reserbang kuryente dahil sa matinding init ng panahon, na nakaapekto sa mga transmission line at power generation facilities.
Sa kabila ng ganitong sitwasyon, maraming mamamayan ang nagsasabing tila walang malinaw na paliwanag o alternatibong solusyon na inilalabas ang Department of Energy (DOE) hinggil sa lumalalang problema ng brownout.
May mga nagsasabi pa na mas mabilis pa ang DOE sa pag-aanunsyo ng oil price hike kaysa sa pagbibigay ng konkretong hakbang sa krisis sa suplay ng kuryente, kaya’t umuugong ang pagkadismaya ng publiko sa mabagal na aksyon nito sa usapin ng brownout. Pwe!





Comments