top of page

Doctor fees, iayon sa kakayahan ng mga pasyente

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 22, 2025
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 22, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung ang pagkakasakit ay tila dagok na sa pamilyang Pilipino, paano pa kaya kung sa oras na tamaan ka ng karamdaman ay dumagdag pa ang singil ng doktor dito?


Kaya makabuluhan ang pahayag ng Department of Health (DOH) na pinag-aaralan na nito ang mga reporma upang maprotektahan ang mga pasyente laban sa subra-sobrang professional fees ng ilang doktor. 


Ayon sa isang opisyal ng DOH, halos walang malinaw na regulasyon sa professional fees ng mga doktor sa Pilipinas. 


Sa kasalukuyang sistema, ang doktor mismo ang nagtatakda ng sariling singil. Dahil dito, may mga pagkakataong nagiging labis ang bayarin, bagay na hindi karaniwan sa maraming bansa kung saan gobyerno o medical associations ang nagtatakda ng fee ranges.


Ang ganitong kalakaran ay nagiging balakid sa layunin ng gobyerno na mapagaan ang gastusin ng pasyente. 


Ipinaliwanag din na nahihirapan ang estado na sagutin ang kabuuang hospital bill kapag ang professional fee ay itinakda nang mag-isa ng doktor. Bagama’t itinuturing na contractors ang mga doktor dahil sa kanilang kasunduan sa mga ospital, malinaw na may puwang upang ayusin ang sistemang ito para sa kapakanan ng publiko.


Itinutulak ng DOH ang Philippine Medical Association na manguna sa pagbuo ng makatwirang tariff ranges para sa professional fees. 


Dagdag pa rito, may moral na otoridad umano ang PMA upang pangunahan ang dayalogo at bawasan ang napakalawak na agwat ng singil ng mga doktor. Sa halip na indibidwal na desisyon, mas makatao ang kolektibong pamantayan.


Para sa karaniwang Pinoy, ang isyung ito ay pahirap sa bulsa at konsensya. Hindi dapat maging pribilehiyo lamang ng may pera ang disenteng gamutan. Habang kinikilala ang sakripisyo, talino, at serbisyo ng mga doktor, kailangan ding kilalanin ang limitasyon ng kakayahan ng pasyente.


Ang reporma sa professional fees ay hindi laban sa mga doktor kundi pabor sa mas makatarungang sistemang pangkalusugan. Kapag may malinaw na pamantayan, mas nagiging balanse ang ugnayan ng doktor, gobyerno, at pasyente. Ang tunay na paggaling ay hindi lang binabase sa antas ng gamot, kundi sa sistemang hindi dumadagdag sa sakit ng taumbayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page