DL Hoya, nakalabas na ng ospital; Tiongson, PBA-POW
ni Gerard Arce - @Sports | September 10, 2021

Tuluyan nang nakalabas ng ospital si boxing legend Oscar Dela Hoya ilang araw matapos dalhin sa pagamutan nang magpositibo sa COVID-19.
Matatandaang nagpost pa si De La Hoya ng video sa kanyang social media account kaugnay sa pinagdaraanan nitong hirap sa paglaban sa COVID-19. Dahil fully vaccinated na, kaya tatlong araw lang itong nanatili sa pagamutan nang tamaan ng coronavirus. Maganda na ang kondisyon ni De La Hoya at atat na atat na itong muling sumabak sa boksing ring.
Matatandaang umatras na laban si De La Hoya kontra kay UFC fighter Vitor Belfort sa Setyembre 11 matapos na madapuan siya ng virus. Pinalitan naman ito ni dating world heavyweight boxing champion na si Evader Holyfield.
Samantala, hinirang bilang Cignal Play – PBA Press Corps Best Player of the Week ng Philippine Cup si Terrafirma Dyip guard Juami Tiongson nang pangunahan ang koponan na maibangon mula sa 0-4 start patungo sa tatlong sunod na panalo upang magkaroon ng tsansa sa playoffs ng 46th season sa Bacolor, Pampanga semi-bubble.
Sapol nang magbalik ang liga matapos ang isang buwang pahinga dulot ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NCR, naiibang manlalaro ang ipinamalas ng 30-anyos na dating 4-time UAAP champion mula Ateneo De Manila University nang magbalik ang mga laro sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.
Tinulungan nitong kunin ang magkasunod na career-high laban sa 5-time titlist San Miguel Beermen at defending champion Ginebra San Miguel sa nakalipas na linggo, habang sumuporta naman ito sa koponan sa third straight win kontra sa win-less na Blackwater Bossing.
Sa tatlong dikit na panalo ay rumehistro ang 2014 1st round 12th pick overall ng averaged na 23.0 points kabilang ang 15 triples mula sa 50-percent clip, kaakibat ang 5.3 assists, 3.0. rebounds, at 2.0 steals, para sa mga laro mula Setyembre 1-5.





Comments