Diskuwento sa langis, malaking tulong sa mga motorista
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 11, 2026

Malaking tulong ang mga ganitong hakbang para pagaanin ang pasanin ng mga motorista—ang patuloy na fuel discount programs sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
Mahalaga ang ganitong mga inisyatiba dahil sa direktang epekto ng bawat price hike sa bawat Pinoy na umaasa sa kalsada para sa kanilang kabuhayan.
Kapag mahal ang gasolina at diesel, hindi lamang driver ang nahihirapan kundi pati ang mga pasahero at konsumer na nakakaramdam ng domino effect sa presyo ng mga bilihin.
Kaya naman, tiniyak ng Department of Energy (DOE) na magpapatuloy ang mga fuel discount program para sa mga motorista kahit na patuloy ang paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay inuugnay sa tensyon sa Middle East, na nagdudulot ng pangamba sa supply at presyo ng langis sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa DOE, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga oil companies upang matiyak na maipagpapatuloy ang mga programang nagbibigay ng diskuwento sa fuel.
Kabilang sa mga hakbang ang designated discount days, loyalty card programs, at iba pang espesyal na promosyon na layong makatulong sa mga motorista.
Ang mga benepisyaryo ng mga programang ito ay kinabibilangan ng Public Utility Vehicle (PUV) drivers, Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers, delivery riders, at iba pang motorista na umaasa sa petrolyo para sa kanilang pang-araw-araw na trabaho.
Ayon sa DOE, layunin ng programa na mabawasan kahit paano ang gastusin sa fuel ng mga manggagawang umaasa sa transportasyon upang kumita.
Bukod sa mga inisyatiba ng pamahalaan, nag-aalok din ng tulong ang ilang malalaking petroleum companies.
Ang mga kumpanyang ito ay nagbibigay ng diskuwento na umaabot mula P1 hanggang P5 kada litro ng petroleum products. Bagama’t hindi nito ganap na natutumbasan ang epekto ng malaking pagtaas ng presyo ng langis, malaking tulong pa rin ito para sa mga driver na araw-araw bumibili ng fuel.
May ilan ding kumpanya na nag-aalok ng karagdagang promosyon, tulad ng pagbibigay ng iba pang commodities gaya ng bigas at softdrinks sa bawat bulto ng petroleum products na binibili ng mga driver at operator.
Ang ganitong hakbang ay nagiging paraan upang kahit papaano ay mabawasan ang
pang-araw-araw na problema sa gastusin ng mga nasa sektor ng transportasyon.
Makikita ang kumpletong listahan ng mga participating fuel stations na nag-aalok ng diskuwento sa opisyal na website ng Department of Energy, upang madaling malaman ng mga motorista kung saan sila maaaring makakuha ng mas murang fuel.
Bagama’t hindi sapat ang mga diskuwento upang tuluyang solusyunan ang problema sa mataas na presyo ng langis, mahalaga pa rin ang ganitong mga hakbang bilang agarang tulong sa mga sektor na pinakaapektado.
Malinaw na ang isyu ng presyo ng langis ay hindi lamang usapin ng ekonomiya kundi usapin ng kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino.
Ang tunay na hamon ay kung paano makakahanap ng pangmatagalang solusyon upang hindi palaging nakadepende ang kabuhayan ng taumbayan sa pabagu-bagong presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments