Discaya couple, mas pinili ang selda kaysa isoli ang ninakaw sa bayan
- BULGAR

- Dec 20, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 20, 2025

KUNG LUMABAN NANG PATAS SI SARAH DISCAYA BILANG KONTRATISTA HINDI SANA SIYA NAKULONG NANG NO BAIL – Kulong na sa National Bureau of Investigation (NBI) detention cell ang contractor na si Sarah Discaya matapos siyang isyuhan ng Sandiganbayan ng warrant of arrest kaugnay sa mga kasong malversation of public funds, bribery, at graft na may kinalaman sa umano’y flood control projects scam.
Ayon sa ulat, kung lumaban lamang siya nang patas bilang kontraktor, posibleng hindi siya nakulong sa kasong walang posibilidad ng bail. Period!
XXX
MAS NINAIS PA NG MAG-ASAWANG DISCAYA NA MAKULONG KESA ISOLI SA KABAN NG BAYAN ANG MGA IN-SCAM NILANG PERA – Talagang mas pinili ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na makulong — si Curlee sa Senate detention cell at si Sarah sa NBI detention cell — kaysa ibalik sa kaban ng bayan ang perang kanilang in-scam. Mas pinili rin nilang hindi tumayong state witness at ituro ang mga pulitiko at DPWH officials na naging kasabwat nila sa flood control projects scam mula 2016 hanggang 2025.
Patunay ito na mas nanaisin pa ng mag-asawang Discaya na makulong kaysa isoli sa bayan ang perang ninakaw nila. Boom!
XXX
WALANG DPWH INSERTIONS AT WALANG EBIDENSYA NA SANGKOT SI DEPED SEC. ANGARA SA FLOOD CONTROL SCANDAL KAYA ‘DI RAW DAPAT GAWING STATE WITNESS SI EX-DPWH USEC. BERNARDO –
Hindi dapat gawing state witness ng gobyerno si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo dahil sa pagiging sinungaling umano niya. Kung susuriin daw ang kanyang mga testimonya, makikita na may mga tao siyang nais ilusot sa totoong sangkot sa flood control scandal, at may idinadawit siya na walang kinalaman sa proyekto, tulad ng pagbanggit niya kay dating senador at ngayo’y DepEd Secretary Sonny Angara.
Sa unang testimonya ni Bernardo, malinaw niyang sinabi na si dating DepEd Usec. Trygve Olaivar ay humirit sa kanya ng mga pang-“projects” mula sa “executive secretary.” Bagama’t hindi binanggit ang pangalan noon, ang executive secretary noon ay si ES Lucas Bersamin. Sa ikalawang testimonya naman, pinangalanan na niya si Bersamin, at isinangkot din si Sec. Angara kahit walang maipakitang ebidensya na may insertion si dating Sen. Sonny Angara sa DPWH projects.
Sa totoo lang, isa si Sen. Angara sa mga naging matinong lawmakers ng bansa. Mula nang maging congressman hanggang maging senador, hindi kailanman nasangkot ang kanyang pangalan sa katiwalian. Kaya nananatiling tanong: Sino o ano ang motibo ni Bernardo para siraan si DepEd Sec. Angara?
XXX
SA PANAHON LANG NI CUSTOMS COMM. ARIEL NEPOMUCENO NANGYARI NA KINAPOS ANG TAX COLLECTION SA ADWANA – Ang target tax collection ng Bureau of Customs (BOC) para sa 2025 ay P958.71 billion, ngunit hanggang ngayon ay P898.75 billion pa lamang ang nakokolekta.
Tila sablay ang pagtalaga ni PBBM kay Ariel Nepomuceno bilang Customs commissioner. Sa ilalim ng mga nakaraang Customs heads, naabot at kung minsan ay nalalagpasan pa ang target na tax collection. Ngunit sa panahon ni Nepomuceno, kinapos ang BOC. Boom!



Comments