Disablity benefits sa kontrata ng seafarer
- BULGAR

- Aug 22, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 22, 2024

Dear Chief Acosta,
Mayroon akong katanungan tungkol sa aking naging sakit o pinsala mula sa aking trabaho sa barko bilang isang overseas Filipino worker (OFW) o seafarer. Ang aking kontrata sa trabaho ay walong buwan. Natapos ko ito at nakabalik ako rito sa Pilipinas. Ngunit mayroon akong naging “injury” o pinsala sa balikat habang nasa barko pa ako. Tumama ito sa bakal na pinto sa engine room dahil biglang binuksan ng kasamahan ko sa trabaho ang pinto habang papasok ako. Sabi ng aking employer na diumano’y hindi ako makakukuha ng disability benefits na naaayon sa aming kontrata. Ito ay sa kadahilanang ang pagbalik ko sa bansa ay dahil natapos na ang aking kontrata, hindi dahil nagkaroon ako ng sakit o pinsala. Sumunod naman ako sa patakaran nilang magpatingin agad sa itinalagang manggagamot ng aming kumpanya, pagkabalik ko rito sa Pilipinas. Hindi na ba talaga ako puwede makakuha ng disability benefits na naaayon sa aming kontrata? Sana ay mabigyan ninyo ng linaw ang aking katanungan. Salamat. — Renzy
Dear Renzy,
Noong taong 2000, nagpatupad ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng Standards Employment Contract (POEA-SEC) para sa mga seafarer. Ang kontratang ito ay naglalayong bigyang proteksyon ang mga marinong Pilipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Naglalatag ito ng mga bagong patakaran na nag-uugnay sa kanilang mga karapatan at benepisyo. Ang POEA-SEC ay isang kontrata na nagtatakda ng mga kondisyon ng trabaho, benepisyo, at mga obligasyon ng mga seafarer at kanilang mga employer.
Ayon sa desisyon ng ating Korte Suprema sa kasong Philippine Transmarine Carrier v. Manzano (G.R. No. 210329, March 18, 2021), sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Samuel H. Gaerlan, ang seafarer na nakaranas ng sakit o pinsala pagkatapos ng kanyang kontrata at pagbalik niya sa Pilipinas ay maaari pa ring maging karapat-dapat sa disability benefits alinsunod sa kanyang kontrata, basta’t maipakita niya na ang sakit na kanyang dinaranas ay may kaugnayan sa trabaho niya na isinagawa sa barko. Nakasaad sa nasabing kaso na:
“Certainly then, a seafarer who was repatriated for end of contract and had no medical condition during his employment but later suffers from an illness which manifested only after the end of his employment can still be entitled to disability benefits provided, he/she can prove that the illness suffered is reasonably linked to the work performed on board. It is, thus, absurd to say that respondent, who was repatriated for end of contract but already had medical conditions while onboard during his employment, is not entitled to disability benefits while a seafarer, who was likewise repatriated for end of contract but suffered from an illness which manifested only after repatriation, is entitled to the same benefits.”
Upang maging kuwalipikado para sa disability benefits, hinihiling ng POEA-SEC na ang seafarer ay magpunta at sumailalim sa isang post-employment medical check-up ng isang manggagamot na itinalaga ng kanilang kumpanya, sa loob ng tatlong araw pagkabalik niya sa Pilipinas, maliban na lang kung siya ay pisikal na walang kakayahan na gawin ito. Ito ay ipinaliwanag sa parehong kasong nabanggit sa itaas:
“It is indeed true that to be qualified for the monetary benefits, the POEA-SEC requires that the seafarer submit himself/herself to a post-employment medical examination by a company-designated physician within three working days upon his return to the Philippines, except when he is physically incapacitated to do so.”
Sa iyong sitwasyon, maaari ka pa ring makatanggap ng disability benefits na naaayon sa iyong kontrata kahit natapos na ito at nakabalik ka na rito sa Pilipinas. Ang mahalaga ay mapatunayan mo na ang sakit o pinsala ay may kaugnayan sa iyong trabaho sa barko. Iyong nabanggit na ikaw ay pumunta agad sa itinalagang manggagamot ng iyong kumpanya, kailangan na ito ay nagawa mo sa loob ng tatlong araw mula nang ikaw ay makabalik dito sa Pilipinas, upang maging karapat-dapat sa benepisyong naaayon sa iyong kontrata.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments