‘Di raw boto ang sukatan ng tagumpay… ARA, TANGGAP NA ANG PAGKATALO BILANG KONSEHAL
- BULGAR
- 3 hours ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | May 15, 2025
Photo: Ara Mina - FB
Hindi pinalad si Ara Mina na makapasok bilang konsehala sa distritong kanyang nasasakupan sa Pasig. Pero sport namang tinanggap ng aktres ang pagkatalo.
Sa isang emosyonal at taos-pusong mensahe, pinasalamatan niya ang mga Pasigueño sa tiwala at pagmamahal na ipinadama sa kanya sa buong panahon ng kampanya.
“Maraming salamat, Pasig! Hindi man ako pinalad na manalo bilang konsehal, tagumpay pa rin sa puso ko ang bawat yakap, suporta, at tiwalang ipinagkaloob ninyo sa ‘kin,” saad niya.
Para sa aktres, hindi ang boto ang tunay na sukatan ng tagumpay kundi ang pagkakaisa at tiwalang ipinamalas ng mga tao sa kanyang layunin.
Sey pa niya, “Ang laban ay hindi natatapos sa halalan. Ito ay simula pa lamang ng mas masigasig kong paglilingkod sa inyo, sa anumang paraan na kaya ko.”
Naniniwala si Ara na sa kabila ng hindi pagkapanalo, mananatili siyang lingkod-bayan sa puso at sa gawa.
“Patuloy kong dadalhin ang boses ng mga ina, kabataan, senior citizens, at mga PWD—dahil sila ang inspirasyon ng aking adhikain,” pahayag pa ni Ara.
Ipinakita ng aktres na ang kanyang layunin ay hindi huminto sa kampanya, bagkus ay bahagi na ito ng kanyang misyon sa buhay.
Bukod sa maraming cakes… BAHAY NI JUDAY, NAG-ALA-FLOWER SHOP SA DAMI NG B-DAY GIFT
Ibinahagi ni Judy Ann Santos kung paano niya isinelebreyt ang kanyang 47th birthday noong May 11.
Double celebration ang nangyari dahil that day din ang Mother’s Day.
Aniya sa kanyang IG Stories, “Celebrated my birthday and Mother’s Day, just the way I like it.
“Simple, masaya lang, wala masyadong abala maliban sa sandamakmak na flowers and cakes na nagpaligaya nang husto sa ‘kin. Hanggang ngayon, mistulang flower shop ang bahay namin,” wika pa ng Teleserye Queen.
Pinasalamatan ni Juday ang lahat ng nakaalala sa kanyang kaarawan.
Aniya, “Thank you to everyone who remembered... ramdam na ramdam ko ang pagmamahal ninyong lahat. Thank you Lord for another year full of blessings and love.”
Ang dami ring bumati sa aktres thru her IG comments section.
Maging ang kaibigang si Gladys Reyes ay hindi nakalimot sa special day ng aktres. Ipinost niya ang snapshots mula sa kanilang get-together kalakip ang nakakaantig na mensahe.
Aniya, “To my forever MARA, my sister from another family, happy birthday and happy Mother's Day Jud @officialjuday!
“Salamat at pagkatapos ng mahabang panahon, muli tayong nagkasama kasabay ng mahabang kuwentuhan at tawanan! ‘Di man tayo madalas magkita, tulad ng pangako natin sa isa’t isa, walang magbabago sa pagmamahalan natin!”
NAALIW ang mga netizens sa request ni Jason Abalos sa Comelec sa nagdaang eleksiyon.
Sa Facebook (FB) page ng aktor ay ibinahagi niya ang kanyang larawan mula sa listahan ng official at registered voters sa Comelec.
Iba kasi ang hitsura ru’n ni Jason dahil bata pa siya at hindi updated ang kuhang larawan.
Ani Jason, “COMELEC, Puwede po ba palitan ang picture sa voter’s ID?”
Dagdag pa niya, “Idol ko po kasi noon si Dirk Nowitzki, suot ko rin Dallas jersey, naglalaro kami sa plaza, naisip ko lang po magpa-register.”
Hirit pa niya, ito raw ang mga panahong wala pa siyang konkretong pangarap sa buhay.
Sa comment section ay makikitang nagbiro pa ang aktor.
Sey niya, “Sana sinabihan tayo na ipo-post nila, pinaghandaan sana natin.”
Marami naman sa mga netizens ang naka-relate sa naramdaman ng aktor.
“‘Yung sa amin, mukha kaming casualties ng Battle of Mactan,” saad ng isang netizen.
Sey naman ng isa, “Kamukha mo pala si Benhur Abalos, Jason Abalos.”
“Parang nawawalang member ng The Beatles,” komento naman ng isa.
Ang aktor ay tumakbong provincial board member ng 2nd District ng Nueva Ecija. Base sa partial result ay nasa ikalawang puwesto ang aktor na may 101,971 habang nasa 1st spot si Dindo Dysico na may 130,218 na boto.
Dati na siyang tumakbo bilang board member ng 2nd District ng nabanggit na lalawigan sa ilalim ng PDP-Laban kung saan siya ay nagwagi.
Comments