Mister, malabo na talagang balikan… P11M LUXURY CAR NA ADVANCE WEDDING GIFT NI DEREK, IBINENTA NA RAW NI ELLEN

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 23, 2026

Photo: IG _maria.elena.adarna & _ramseyderek07
Usap-usapang ibinenta na ni Ellen Adarna ang advance wedding gift sa kanya ni Derek Ramsay na Bentley luxury car na tinatayang nasa P11 milyon.
Ayon kay Ellen, hindi naman niya gaanong nagamit ang Bentley. Minsan lang niya itong minaneho, nang dumating ang sasakyan sa loob ng kanilang subdivision.
Wala raw siyang hilig sa mga mamahaling sasakyan dahil isa lang itong liability, kaya ang napagbentahan ay ilalagay niya sa trust fund para sa kanilang anak na si Liana.
Naging praktikal lang daw si Ellen. At least, maganda naman ang kinapuntahan ng pinagbentahan.
Samantala, walang naging pahayag ang aktres kung may pag-asa pa silang magkabalikan ni Derek.
No regrets na babu sa showbiz…
YASMIEN, ENJOY SA PAG-AARAL NG LAW
IBANG-IBA na nga ang mundo ng aktres na si Yasmien Kurdi ngayon. Hindi na sa shooting at taping nakasentro ang kanyang panahon. Ibang klase ang saya at excitement na kanyang nadarama sa tuwing pumapasok siya sa kanyang klase.
Hindi niya inasahan na papasa siya sa law school. Super-proud at supportive naman ang mister ng aktres.
Hindi niya pinagsisihan na pansamantalang iwanan ang showbiz at bigyan ng katuparan ang pangarap niyang maging abogada.
Nakatapos ng AB Political Science si Yasmien sa Arellano University noong 2019, kung saan nagtapos siyang magna cum laude. Ngayon ay nag-aaral siya ng abogasya sa Arellano Law School. At araw-araw ay marami siyang natututunan at tinutulungan ng kanyang mga kaklase.
Well, hindi nakakalimutan ni Yasmien ang mga kaibigang Kapuso stars. At kahit busy sa pag-aaral, nagagawa pa rin niyang makipagkumustahan via social media.
MAGANDA ang review sa Honor Thy Mother (HTM) na pinagbibidahan nina Sharon Cuneta at Barbie Forteza at napapanood sa Prime Video.
Ibinuhos ni Mega ang lahat ng kanyang emosyon, lalo na sa mga eksena nila ni Barbie,
na gumaganap bilang kanyang anak.
Powerful ang acting na ipinakikita rito ni Sharon, na kasingtindi ng ginawa niya noon sa pelikulang Madrasta. At mukhang nasabik nga si Shawie na muling makaarte dahil ramdam kung paano niya ginagampanan ang kanyang character bilang si Diana, na matagumpay na lady boss ng malaking kumpanya.
Hindi naman nagpahuli sa aktingan si Barbie. Markado at may impact ang character niya bilang si Patricia, ang anak ni Diana. Si Patricia ang tagapagmana ng kayamanan ng kanyang ina.
Well, may special participation ang King of Talk na si Boy Abunda sa HTM. Gaganap ito bilang host ng programang Uncovered, at may special interview siya kina Diana at Patricia.





Comments