'Di naman daw nawalan ng show, may bago pa nga… VICE, IPINAGSIGAWANG 'DI NAAPEKTUHAN NG PANDEMIC
- BULGAR
- May 9, 2021
- 4 min read
ANG KITA NIYA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | May 09, 2021

Laging nananalangin si Vice Ganda at mas lalo pa raw siyang kumapit sa Diyos sa panahon ng COVID-19 pandemic. Ito ang pagtatapat niya sa nakaraang virtual mediacon niya para sa Gandemic: Vice Ganda, The VG-Tal Community Party Concert na gaganapin sa July 17.
Sabi ni Vice, “Everything is in the hands of God. Nothing is definite. And even if there are a lot of people who feel they are powerful and rich and privileged, isa lang ‘yung most powerful at Siya lang ang makakapag-decide ng lahat ng mangyayari.
“So this pandemic, everyone is powerless. Lahat tayo, mag-aabang lang sa kung ano'ng desisyon talaga ng Diyos. 'Yun ang pinaka-realization ko, so wala tayong magagawa kundi mag-antay lang sa Kanya at maniwala lang sa rason kung bakit iyon ang ibibigay Niya sa atin.
“Hindi man alam ng tao na madasalin ako, dasal lang ako nang dasal kahit patawa ako nang patawa. Dasal ako nang dasal lagi.”
Bago matulog ay laging nagpapasalamat si Vice sa Diyos para sa mga blessings na natanggap niya at inilalayo siya sa anumang hindi magandang pangyayari at paggising niya ay ipinagpapasalamat niya ang panibagong araw na kakaharapin niya.
At dahil pandemic ay marami ang nawalan ng trabaho at sa pagkawala ng prangkisa na rin ng ABS-CBN ay inamin ni Vice na hindi naman apektado ang financial status niya.
“'Yung sa franchise, wala namang effect financially. Kasi may programa pa rin naman ako. Araw-araw, kumikita pa rin naman ako. In fact, may bago na naman nga akong programa, dalawa na naman 'yung magiging programa ko.
“So, hindi siya naka-affect sa akin financially in a negative way kasi kumikita pa rin naman ako. Ang naka-affect sa akin nang malala financially, hindi ‘yung kawalan ng franchise kundi 'yung pandemic mismo. Kasi hindi nga ako makapag-concert tour, eh, ang laki ng ibinibigay sa akin ng concert tour.
“Tapos 'yung raket sa labas, 'yung mga fiesta-fiesta na ini-enjoy ko, 'yung mga corporate shows, pelikula, 'yun ang mga nawala sa akin, so malaki-laki rin 'yun.”
“Hindi pa rin naman ako naghihirap dahil napakabait ng Diyos, kasi binigyan Niya ako ng maraming-maraming pagkakataon in the past para kumita at makapag-ipon. Kaya ngayong nasa ganito akong sitwasyon, hindi ako salat na salat.
“Actually, may kakayahan pa rin akong mag-provide for myself, for the people I love at makapag-extend ng help sa mga taong pinipili mong tulungan. Nabawasan lang ‘yung kita dahil nawalan ng raket, pero maayos pa rin naman ang kalagayan ko financially,” mahabang paliwanag ng It’s Showtime host.
Halata naman dahil nakapagpagawa siya ng magandang bahay sa panahon ng pandemya na milyones ang halaga.
Anyway, nami-miss ni Vice ang mag-concert dahil ito naman ang ginagawa niya yearly para magbigay ng kasiyahan sa lahat. At ngayong pandemic ay lalo niyang gustong magka-show para magpasaya sa panahon ng pandemya.
Pero ang worry ni Vice ay kung paano niya gagawin ito dahil digital at wala siyang ideya kung paano, kaya pinanood niya sina Regine Velasquez, Daniel Padilla at Sarah Geronimo na nag-show kamakailan.
“Talagang pinanood ko 'yung mga recent concerts nina Daniel, Regine, Sarah, kasi wala akong idea how this digital concert happens. Wala akong idea kung paano ginagawa itong mga digital concert.
"May conscious effort ako na manood at bantayan 'yung ganap para may idea ako. ‘Yung show ko naman is different, very different from the concerts of singers, kasi hindi naman talaga ‘yun ang strength ko. Hindi ako super-sing, hindi naman ako super-dance.”
Nag-brainstorming daw sila kasama ang mga kaibigang gays at nabanggit ang Gandemic na gustung-gusto niya dahil sakto sa pandemic.
Sulit na sulit daw ang mga manonood ng Gandemic: Vice Ganda, The VG-Tal Community Party Concert dahil punumpuno ito ng saya at tawanan bukod pa sa magagandang kanta.
“Ang bentahe nitong concert ko, musical siya, may mga kanta, may mga sayaw, pero ang 90 percent niya is comedy, ang hindi kine-cater ng ibang concerts or performances or events ng karamihan.
"Kasi mostly, they are singers, they sing, they do beautiful production numbers, pero hindi sila nagpapatawa. Ang magpapatawa, kung meron silang komedyante na guests, very minimal 'yung comic relief.
“Ito talaga, not so much of the songs and the dances, kasi ibinibigay na ng iba ‘yun.
“Ako, ibibigay ko ang strength ko, super-patawa, at 'yun ang gusto kong i-make sure talaga,” paliwanag nito.
Si John Prats ang direktor at ang guest stars ay sina Moira Dela Torre, Ice Seguerra, Jake Zyrus at Anne Curtis.
“Originally, ang mga pinlano namin, Ice, Jake Zyrus, kasi gusto ko ng LGBT pink number na masaya.
"Nu'ng una, si Ice, nag-confirm. Tapos si Jake, inaayos 'yung schedule. Tapos si Moira, nag-confirm din, tapos si Anne Curtis.
"'Yun 'yung original na plano. Pero since na-resked ‘yung date, hindi pa namin alam kung sino 'yung magko-confirm ulit. Sana, makuha ulit namin sila.
"Gusto ko sana live (concert). Kaya lang, since ang sabi ni Direk Pratty, ‘Alam mo naman ang internet sa Pilipinas at saka hindi pa natin masyadong gamay lahat itong digital concert, baka magkaroon ng aberya, nakakahiya sa mga taong magbabayad kung biglang mapuputol. So, mas maganda na i-tape as live tapos saka natin ipalabas,’” kuwento ni Vice.





Comments