‘Di nagamit na Paternity Leave, ‘di puwedeng perahin
- BULGAR
- Feb 24, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 24, 2023
Dear Chief Acosta,
Humingi ako ng paternity leave sa aming opisina. Nagbigay ako ng mga kinakailangang dokumento nang nagsumite ako ng application, kaya ito ay naaprubahan. Binigyan ako ng pitong araw na paternity leave, pero dalawang araw lang ang nagamit ko dahil wala akong kapalit sa opisina. Puwede bang i-monetize na lang ang nasabing leave dahil mas makatutulong ang dagdag na pera sa aming anak? –Sumerio
Dear Sumerio,
Ang benepisyong tinatawag na paternity leave ay makikita sa Seksyon 2 ng Republic Act (R.A.) No. 8187, o mas kilala sa tawag na “Paternity Leave Act of 1996”, kung saan nakasaad na,
“Sec. 2. Notwithstanding any law, rules and regulations to the contrary, every married male employee in the private and public sectors shall be entitled to a paternity leave of seven (7) days with full pay for the first four (4) deliveries of the legitimate spouse with whom he is cohabiting.
The male employee applying for paternity leave shall notify his employer of the pregnancy of his legitimate spouse and the expected date of such delivery.
For purposes of this Act, delivery shall include childbirth or any miscarriage.”
Ang sagot sa iyong katanungan, matatagpuan sa Seksyon 7 ng Revised Implementing Rules and Regulations of R.A. No. 8187 for the Private Sector kung saan malinaw na nakasaad,
“SECTION 7. Non-commutation of benefits. – In the event that paternity is not availed of, said leave shall not be convertible to cash.”
Batay sa iyong salaysay, mayroon ka pang limang araw na hindi nagamit na paternity leave na nais mong perahin. Sa kasamaang-palad, batay sa nabanggit na batas, malinaw na nakasaad na hindi mo maaaring perahin ang paternity leave kapag hindi ito nagamit.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments