‘Di dapat binibeybi ang mga batang kriminal... Batas ni Sen. Kiko Pangilinan na Juvenile Justice Law, dapat amyendahan
- BULGAR

- Jun 24
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 24, 2026

ANG MGA BATANG KRIMINAL, ‘DI DAPAT BENIBEYBI – Dapat amyendahan ang Juvenile Justice Law na isinulong ni Sen. Kiko Pangilinan.
Sa ilalim ng batas, ang mga menor-de-edad na may edad 15 hanggang wala pang 18 taong gulang na nakagawa ng krimen nang may discernment ay maaaring managot sa batas. Ngunit ang mga 15 taong gulang pababa ay exempt sa criminal liability at sasailalim lamang sa intervention program.
Sa kaso ng dalawang Grade 9 students na namaril sa loob ng San Juan National High School sa Tacloban City, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at nasa 20 iba pa ang nasugatan, tila ang 15-anyos na suspek lamang ang maaaring managot sa kriminal na aspeto, habang ang 14-anyos na suspek ay exempt sa criminal liability.
Dapat amyendahan ang batas upang ang sinumang menor-de-edad na gagawa ng karumal-dumal na krimen ay managot din sa ilalim ng batas.
Ika nga, ang mga batang kriminal na sangkot sa karumal-dumal na krimen ay hindi dapat binibeybi. Period!
XXX
SA MGA PARENTS, BILINAN ANG MGA ANAK NA TUMAWAG AGAD SA 911 SA ORAS NG PELIGRO – Sa mga magulang, pakibilinan ang inyong mga anak na tumawag sa emergency hotline na 911 kung sakaling magkaroon ng karahasan sa kanilang paaralan.
Ayon sa mga otoridad, maaari silang makatugon sa loob ng limang minuto sa oras ng emergency.
Mahalagang tandaan ng mga mag-aaral ang 911 dahil maaari itong makatulong sa kanilang kaligtasan. Period!
XXX
KAHIT NAG-IIMBESTIGA NA ANG PNP SA NAGANAP NA PAMAMARIL SA ISKUL, SI SEN. RISA GUSTO PANG UMEPAL, MAG-IIMBESTIGA RIN DAW SIYA SA SENADO – Pangungunahan daw ni Sen. Risa Hontiveros ang imbestigasyon sa naganap na pamamaril sa San Juan National High School sa Tacloban City.
Ganun? Nag-iimbestiga na nga ang PNP sa insidenteng ito, tapos sasawsaw pa sa imbestigasyon si Sen. Risa. Tsk!
XXX
DAPAT LUBAYAN NA NI SEN. ALAN CAYETANO ANG PAGMAMAKTOL, TANGGAPIN NA NIYA ANG KATOTOHANANG HINDI NA SIYA ANG SENATE PRESIDENT – Ayaw pa ring maglubay ni Sen. at dating Senate President Alan Cayetano sa pag-atake sa Gatchalian bloc.
Dapat nang tanggapin ni Cayetano ang pagpapatalsik sa kanya bilang Senate President at harapin ang katotohanang si Sen. Sherwin Gatchalian na ngayon ang namumuno sa Senado. Sa totoo lang, hindi maganda ang dating ng patuloy niyang pagmamaktol, lalo na't sa mga dating Senate President na napatalsik sa puwesto, tila siya lamang ang hindi pa rin makabitaw. Boom!




Comments