‘Di dapat balewalain ni PBBM ang mga mangingisda, bukod sa krisis sa langis, magkaka-krisis din sa isda ang 'Pinas
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 11, 2026

KAPAG PATULOY NA DINEDMA NI PBBM ANG HINAING NG MGA MANGINGISDA, BAKA BUKOD SA KRISIS SA LANGIS, MAGKAROON NA RIN NG KRISIS SA ISDA – Umaangal ang mga mangingisda dahil sa kabila ng paggamit din nila ng krudo sa pangingisda, naiiwan pa rin sila sa fuel subsidy ng gobyerno.
Ayon sa kanila, dati ay nasa ₱400 lamang ang nagagastos nilang krudo sa bawat pangingisda, ngunit ngayon ay umaabot na ito sa ₱1,500. Masaklap pa, umaabot lamang sa humigit-kumulang ₱1,300 ang halaga ng kanilang huli, kaya nalulugi pa sila ng humigit-kumulang ₱200.
Hinihiling ng mga mangingisda na mapansin ang kanilang kalagayan, dahil kung magpapatuloy ang pagkalugi, maaari silang tumigil sa pangingisda. Kapag nangyari ito, posibleng hindi lamang krisis sa langis ang maging problema ng bansa, kundi pati kakulangan sa suplay ng isda. Tsk!
XXX
KUNG WALANG GINAWANG BAD SA KANYANG P650M CONFI FUNDS, WALANG DAPAT IKATAKOT SI VP SARA SA PAPARATING NA HOUSE JUSTICE COMMITTEE HEARING – Matapos mabigong makakuha si Vice President Sara Duterte ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema upang ipatigil ang impeachment proceedings laban sa kanya, umugong ang usap-usapan sa House of Representatives na umano’y kinumbinsi niya si Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na pamunuan ang tinatawag na “kudeta” laban kay Speaker Bojie Dy. Ayon sa mga spekulasyon, ang pagpapalit ng liderato sa Kamara umano ang tanging paraan para mapatigil ang nakatakdang impeachment hearing sa Abril 14, 2026.
Samantala, marami rin ang nagtataka kung bakit tila nababahala si VP Sara sa nalalapit na petsa ng Abril 14, 2026. Giit ng ilan, kung wala siyang pagkakasalang nagawa kaugnay sa umano’y ₱650 milyong confidential funds, wala siyang dapat ikatakot sa House Justice Committee hearing.
Sa huli, nananatiling palaisipan at usap-usapan ang mga alegasyong ito habang papalapit ang itinakdang pagdinig. Period!
XXX
30 KONGRESISTA LANG KASI ANG NAKUHANG SUPORTA KAYA TODO-DENY SI CONG. GLORIA ARROYO SA KUDETA KAY SPEAKER BOJIE DY – Matapos umanong mabigo ang sinasabing kudeta laban kay Speaker Bojie Dy dahil nasa humigit-kumulang 30 kongresista lamang ang sumuporta rito, agad pinabulaanan ni Cong. Gloria Arroyo ang paratang na may tangka siyang palitan ito sa puwesto.
Mariin niyang itinanggi ang alegasyon na may plano siyang pagpapatalsik sa kasalukuyang Speaker. Boom!
XXX
DAPAT BAWAS-BAWASAN NI SEC. JONVIC REMULLA ANG HILIG NIYA SA PAGPAPA-PRESSCON KASI SALA-SALABAT NA ANG SINASABI NIYA SA MEDIA – Noong April 7, 2026, nagpa-press conference si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kung saan kinumpirma niya na nakapuslit na palabas ng bansa ang umano’y most wanted gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang at sinabing posibleng nagtatago ito sa Vietnam.
Gayunman, sa sumunod na press briefing, sinabi naman ng DILG na muntik nang mahuli ang suspek sa isang lugar sa Pilipinas.
Dahil dito, lumilitaw ang magkasalungat na pahayag mula sa ahensya, kaya’t umani ito ng kalituhan sa publiko. Tsk!



Comments