top of page
TALKIES - VICE, HUMUGOT SA HIRAP NG BUHAY SA ‘PINAS_FB Vice Ganda.jpeg

DepEd ang dapat pondohan, hindi DPWH na laging bilyon-bilyon ang pondo na napupunta lang sa bulsa, buset!!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 31, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


WALANG ATRASAN ANG OMBUDSMAN SA PAGSASAMPA NG KASO AT PAGPAPAKULONG KAY CONG. ROMUALDEZ – Mali ang akala ni Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez na wala nang tetestigo laban sa kanya matapos bawiin ni retired Marines Sgt. Orly Guteza at ng iba pang dating Marines ang nauna nilang alegasyon na naghatid sila ng maleta-maleta ng pera para sa kanya.


Ayon sa Office of the Ombudsman, mayroon pa itong kabuuang 42 testigo na kaugnay ng mga reklamong plunder, graft, bribery at money laundering laban kay Romualdez sa kontrobersiya sa flood control projects.


Kumbaga, hindi pa tapos ang laban dahil kahit may mga nag-recant sa kanilang naunang testimonya, nagpapatuloy ang pagbuo ng kaso ng Ombudsman laban sa dating Speaker. Abangan!


XXX


DATI SIMPATYA ANG IPINAPAKITA NG MGA PINOY SA MGA KABABAYANG BIKTIMA NG BAHA, PERO NGAYON, INAASAR NA ANG MGA BINAHA – Nang lubugin ng baha ang Davao City, inasar ng mga loyalista ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS), kesyo kaya raw walang solusyon sa pagbaha sa lungsod ay dahil sa patuloy na pagsuporta ng mga Davaoeño sa pamilya Duterte.


Nang lubugin din ng baha ang Luzon, rumesbak naman sa pang-aasar sa social media ang mga DDS. Ginawan pa nila ng mga post na kalokohan ang nangyaring pagbaha, at sinabi rin na kaya raw walang solusyon sa pagbaha sa buong bansa ay dahil sa patuloy na pagsuporta ng mga loyalista kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).


Anyare na sa ugaling Pinoy?

Dati kasi, kapag may lugar na nakararanas ng lampas-tao o lampas-bahay na baha, simpatya ang ipinakikita ng mga Pilipino sa mga biktima ng pagbaha. Pero ngayon, pati ang mga binaha ay inaasar pa. Tsk!


XXX


TINDI TALAGA NG GALIT NI SEN. LACSON KASI KAHIT BINAHA NA ANG METRO MANILA AT LUZON, TULOY PA RIN ANG ATAKE NIYA KAY SEN. CAYETANO – Naglabas ng dagdag na ebidensya si Sen. Panfilo “Ping” Lacson laban kay Sen. Alan Peter Cayetano kaugnay ng mga kuwestiyonableng titulo ng lupa sa mga umano’y ilegal na ni-reclaim na bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City.


Tindi talaga ng galit ni Sen. Lacson, kasi kahit binaha na ang buong Metro Manila at Luzon, tuloy pa rin ang atake niya kay Sen. Cayetano. Tsk!


XXX


DEPED ANG DAPAT DAGDAGAN NG PONDO, HINDI ANG DPWH – Humihirit si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ng dagdag na P5 bilyon para magamit ng departamento sa pagpapagawa ng mga paaralang nasira dulot ng habagat.


Iyan ang DepEd na dapat dagdagan ng pondo dahil para sa pagpapagawa ng mga nasirang paaralan ang hinihirit, kaysa sa idinagdag na P113.05 bilyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na wala namang malinaw na detalye kung saan gagastusin ang nakalululang halaga na iyan.


Ang nais nating ipunto rito, dagdagan ang pondo ng DepEd at huwag nang idagdag sa pondo ng DPWH ang P113.05 bilyon na iyan. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page