Quitclaim, hindi hadlang sa pagsasampa ng kaso sa illegal dismissal
- BULGAR

- Apr 10
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 10, 2026

Dear Chief Acosta,
Hindi na ba maaaring magsampa ng kasong illegal dismissal kung ang isang manggagawa ay nakapirma na ng quitclaim? Dahil sa matinding pangangailangan at kahirapan, napilitan lamang po akong pumirma rito. — Xylops
Dear Xylops,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga angkop na desisyon ng Korte Suprema. Ang isang quitclaim ay hindi magiging hadlang sa paghahain ng reklamo sa lahat ng pagkakataon, kung ang hinihingi ng manggagawa ay mga benepisyong hayagang ipinagkakaloob ng batas, kabilang ang pagkuwestiyon sa legalidad ng kanyang pagkakatanggal sa trabaho.
Ito ay malinaw na ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Aldovino vs. Gold and Green Manpower Management and Development Services, Inc. (G.R. No. 200811, ika-19 ng Hunyo 2019, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen), kung saan binigyang-diin na ang quitclaim ay hindi epektibong panangga laban sa paghahain ng mga kasong paggawa at sa paghingi ng buong benepisyong nararapat sa manggagawa. Hindi kinikilala ng batas ang mga kasunduang nagreresulta sa kabayarang mas mababa kaysa sa itinakda ng batas, at ang pagtanggap ng halaga mula sa quitclaim ay hindi nangangahulugang awtomatikong pagtalikod sa karapatan o estoppel. Ayon sa kasong nabanggit:
“Quitclaims do not bar employees from filing labor complaints and demanding benefits to which they are legally entitled. They are "ineffective in barring recovery of the full measure of a worker's rights, and the acceptance of benefits therefrom does not amount to estoppel." The law does not recognize agreements that result in compensation less than what is mandated by law.
In Am-Phil Food Concepts, Inc. v. Padilla, this Court held that quitclaims do not negate charges for illegal dismissal:
The law looks with disfavor upon quitclaims and releases by employees pressured into signing by unscrupulous employers minded to evade legal responsibilities. As a rule, deeds of release or quitclaim cannot bar employees from demanding benefits to which they are legally entitled or from contesting the legality of their dismissal. The amounts already received by the retrenched employees as consideration for signing the quitclaims should, however, be deducted from their respective monetary awards.”
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang quitclaim ay hindi rin nag-aalis ng karapatan ng manggagawa na kuwestiyunin ang pagiging ilegal ng kanyang pagkakatanggal sa trabaho. Ang mga halagang natanggap bilang kabayaran sa quitclaim, kung mayroon man, ay maaari lamang ibawas sa anumang monetary award na ipagkakaloob sakaling mapatunayan ang illegal dismissal.
Gayunpaman, mahalagang linawin na hindi sapat ang simpleng pag-angkin ng kahirapan o pangangailangan upang awtomatikong mapawalang-bisa ang isang quitclaim. Upang ito ay mawalan ng bisa, kailangang mapatunayan na ang pagpirma rito ay bunga ng panlilinlang, pananakot, pamimilit, o lubhang hindi makatarungang kabayaran. Sa kawalan ng malinaw at sapat na ebidensiya ng mga nasabing pangyayari, ang quitclaim ay maaaring kilalaning may bisa.
Ito ay pinagtibay ng Korte Suprema sa kasong Radio Mindanao Network, Inc. vs. Amurao III (G.R. No. 167225, ika-22 ng Oktubre 2014, isinulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Lucas P. Bersamin). Ayon dito:
“Dire necessity should not necessarily be an acceptable ground for annulling the quitclaim, especially because it was not at all shown that he had been forced to execute it. Nor was it even proven that the consideration for the quitclaim was unconscionably low, and that he had been tricked into accepting the consideration.”
Samakatuwid, ang mahalagang isaalang-alang ay ang kabuuang kalagayan sa pagpirma ng quitclaim: kung ito ba ay kusang-loob, may sapat na kabayaran, at walang bahid ng panlilinlang o pamimilit. Kung mapatutunayang taliwas dito ang mga pangyayari, nananatiling bukas ang remedyo ng paghahain ng kaso.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments