DDS vloggers, dismayado sa interbyu kay Yorme Isko, PBBM, ipinagtanggol pa
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 21, 2026

HINDI MAN AMININ, TIYAK SAKIT-ULO NGAYON SI VP SARA KASI PINAPASOLI SA KANYA ANG HALOS KALAHATING BILYONG PISONG CONFI FUNDS SA KABAN NG BAYAN – Bukod sa P73 milyon confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022 na inirekomenda ng Commission on Audit (COA) na isauli sa kaban ng bayan dahil umano sa kakulangan ng sapat na dokumentasyon kung paano ito ginastos, naglabas din ang COA ng panibagong Notice of Disallowance kaugnay ng P375 milyon confidential funds ng OVP noong 2023.
Ayon sa COA, kailangan ding isauli ang naturang halaga sa national treasury dahil sa umano’y hindi maipaliwanag na paggamit nito batay sa mga umiiral na rekisitos sa pag-audit.
Sa kabuuan, umaabot sa P448 milyon ang pinakakasamang halagang ipinaparekomendang ibalik ng COA mula sa dalawang taon ng confidential funds ng OVP. Boom!
XXX
'FORTHWITH' O AGAD-AGAD, KASONG PLUNDER ISASAMPA NA RAW SA DATING EX-SENATE PRESIDENT — Inanunsyo ni Deputy Ombudsman Mico Clavano na inihahanda na ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder laban sa isang dating Senate President na tinagurian pa niyang “master plunderer.”
Hinihikayat ng ilan na maisampa na agad o “forthwith” ang naturang kaso upang mapabilis ang proseso ng hustisya.
Bagama’t hindi pa pinapangalanan ang opisyal na ito, iniuugnay siya sa mga ulat kaugnay ng umano’y malalaking insertions sa 2025 national budget. Gayunman, nananatiling usapin pa ito na kailangang patunayan sa tamang paglilitis at ebidensya. Period!
XXX
INTERBYU NG 3 DDS KAY YORME ISKO SABLAY, KASI AKALA NILA AATAKEHIN NITO SI PBBM, HINDI PALA, IPINAGTANGGOL PA – Viral ngayon sa social media ang isang panayam ng tatlong vloggers na kilalang tagasuporta ng mga Duterte (DDS) kay Manila Mayor Isko Moreno.
Sa naturang interbyu, inaasahan ng mga vlogger na mapupukaw nila ang alkalde upang magsalita laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng isyu ng korupsiyon sa gobyerno. Gayunman, kabaligtaran ang naging tugon ni Isko, dahil sa halip na pumuna sa pangulo ay ipinagtanggol pa niya ito.
Mariin niyang sinabi na hindi siya naniniwalang sangkot si PBBM sa umano’y flood control projects scam, at hindi rin siya naniniwalang corrupt ang Pangulo.
Matapos ang interbyu, kapansin-pansin umano ang pagkadismaya ng tatlong vloggers, dahil inaasahan nilang makakakuha sila ng matinding kritisismo laban sa administrasyon. Boom!
XXX
MGA SMUGGLERS SA CUSTOMS IMBES MAWALA, NADAGDAGAN PA – May mga ulat tungkol sa isang grupo na tinutukoy bilang “Santos Group” na umano’y sangkot sa smuggling sa Bureau of Customs.
Ayon sa ilang impormasyon, hindi ito ang unang pagkakataon na may mga grupong naiuugnay sa ganitong operasyon. Sa mga nakaraang ulat, kabilang din umano sa mga tinutukoy ang “Leah C.,” “Teves Group,” “Big Mama,” “Tina U.,” at “Kimberly Gang.”
Dahil dito, muling nananawagan ang ilan na mas higpitan pa ang pagbabantay sa Customs upang tuluyang masawata ang smuggling operations sa bansa. Buset!



Comments