Dayuhan, ‘di puwedeng magmay-ari ng lupa kahit pa pamana
- BULGAR
- Aug 16, 2024
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 16, 2024

Dear Chief Acosta,
Isa akong dayuhan na matagal nang naninirahan dito sa Pilipinas. Mayroon akong naging kinakasama na Pilipina sa loob ng mahigit 10 taon, subalit bago pa man kami maikasal ay namatay siya dahil sa sakit na cancer. Ngayon, napag-alaman kong bago siya bawian ng buhay ay gumawa siya ng huling habilin kung saan ang lupa ng aming tinitirahang bahay ay ipinamana niya sa akin. Maaari ko bang manahin ang nasabing lupa? Maraming salamat. — Ping Hua
Dear Ping Hua,
Sinasabi sa Section 7, Article 12 ng Saligang Batas na –
“Article XII – National Economy and Patrimony
Section 7. Save in cases of hereditary succession, no private lands shall be transferred or conveyed except to individuals, corporations, or associations qualified to acquire or hold lands of the public domain.”
Ayon dito, hindi maaaring magmay-ari ng lupa ang isang dayuhan maliban lamang sa pamamagitan ng mana. Subalit, tinalakay ng Korte Suprema sa kaso ng Ramirez vs. Vda. De Ramirez (G.R. No. L-27952, February 15, 1982), kung saan sinabi ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Jose B. Abad Santos na:
“We are of the opinion that the Constitutional provision which enables aliens to acquire private lands does not extend to testamentary succession for otherwise the prohibition will be for naught and meaningless. Any alien would be able to circumvent the prohibition by paying money to a Philippine landowner in exchange for a devise of a piece of land.”
Nangangahulugan lamang ito na ang paglipat ng pagmamay-ari ng lupa sa isang dayuhan sa pamamagitan ng huling habilin ay magiging labag sa Saligang Batas. Sa iyong sitwasyon, dahil ikaw ay isang banyaga, at ang lupa ay minana mo sa pamamagitan ng huling habilin o sa tinatawag na testamentary succession, ang nasabing pamana ay walang bisa patungkol sa nasabing lupa. Hindi malilipat sa pangalan o pagmamay-ari mo ang nasabing lupa dahil ipinagbabawal ito ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Commentaires