Dapat P2 trilyon ang bawiin sa kaban ng bayan, hindi kapiranggot lang na kickback!
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 1, 2026

NABULGAR NA HINDI 31M KUNDI 300K DDS LANG ANG LUMAGDA SA PETISYON SA SC PARA PALAYAIN SA ICC JAIL SI FPRRD – Sablay ang hakbang ni Sen. Robin Padilla sa pagdadala ng 300,000 pirma ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) sa Supreme Court (SC) kaugnay ng petisyong habeas corpus. Layunin nitong hikayatin ang Korte Suprema na kumilos at hilingin sa International Criminal Court (ICC) ang pagpapalaya at pagpapabalik sa Pilipinas kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), na kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong crimes against humanity.
Matagal nang ipinapahayag ng mga DDS sa social media na suportado pa rin si Vice President Sara Duterte ng 31 milyong botante mula sa 2022 elections. Dahil dito, marami ang umasa na aabot sa ganoong bilang ang mga lagdang isusumite sa Korte Suprema.
Ngunit lumabas na 300,000 pirma lamang ang naipon para sa petisyon.
Dahil dito, lumilitaw na malayo ang agwat sa inaangking suporta at sa aktuwal na bilang ng mga lumagda—isang malinaw na indikasyon na hindi na kasinglaki ng dati ang sinasabing lakas ng kanilang hanay. Boom!
XXX
DAPAT BAWIIN NG GOBYERNO ANG P2 TRILLION NA-SCAM SA KABAN NG BAYAN, HINDI P1.5 BILYON KICKBACK LANG – Inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na target ng pamahalaan na mabawi ang P1.5 bilyong kickback mula sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ngunit bakit P1.5 bilyon lamang? Ayon sa naging privilege speech noon ni Senate President Pro Tempore Sen. Ping Lacson, na dating chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, tinatayang aabot sa P2 trilyon ang nawawalang pondo ng bayan sa flood control projects sa nakalipas na 15 taon—na kinasasangkutan umano ng ilang tiwaling pulitiko, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga kontratista.
Dapat magsagawa ang DOJ ng mas malalim at malawakang imbestigasyon at sampahan ng kaso ang lahat ng sangkot sa naturang iskandalo upang mabawi ang kabuuang P2 trilyon, hindi lamang ang P1.5 bilyon. Period!
XXX
BUTI PA ANG BAYAN MUNA AT KBKK CHAIRPERSONS MAY LAKAS NG LOOB NA KASUHAN 2 SUSPECTED BAGMEN NG MALACAÑANG KESA KAY SEN. LACSON NA TIKLOP – Sinampahan nina Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Chairperson Teddy Casiño at Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) Chairperson David San Juan ng kasong graft sa Ombudsman sina dating Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Usec. Adrian Bersamin at dating Department of Education (DepEd) Usec. Trygve Olaivar kaugnay sa umano’y papel nila bilang mga bagman sa pagtanggap ng kickback sa flood control projects scam.
Mas pinili ng mga lider ng BAYAN at KBKK na magsampa ng kaso laban kina Bersamin at Olaivar, na kapwa itinuturong mga bagman ng Malacañang. Samantala, hindi sila isinama ni Sen. Ping Lacson sa mga inirekomenda niyang sampahan ng kaso sa draft committee report ng Senate Blue Ribbon Committee, bagay na umani ng batikos. Tsk!
XXX
DAPAT LANG MA-IMPEACH ANG TROPA NI COMELEC CHAIRMAN GEORGE GARCIA KASI HINDI NILA TINUTUPAD ANG MANDATO NILANG PAPANAGUTIN MGA PULITIKONG LUMALABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE – Nakatakdang magsampa ng impeachment complaints sina Atty. Marvin Aceron at Atty. Sikini Labastilla laban kay Comelec Chairman George Garcia at anim na iba pang Comelec commissioners dahil sa umano’y betrayal of public trust.
Kaugnay ito ng pagdismis ng komisyon sa mga kasong isinampa laban kina Sen. Chiz Escudero, na inakusahan sa pagtanggap ng campaign funds mula sa isang kontraktor, at Sen. Rodante Marcoleta, na umano’y nagkaroon ng misdeclaration sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Ayon sa mga naghain ng reklamo, taliwas umano ito sa mandato ng Comelec na papanagutin ang mga kandidatong lumalabag sa Omnibus Election Code. Boom!




Comments