Dapat gawin upang maisakay sa pampublikong sasakyan ang alagang hayop
- BULGAR
- Dec 27, 2021
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 27, 2021
Dear Chief Acosta,
Bumili ako ng ticket ng bus pauwi sa aming probinsiya isang linggo bago ang aking biyahe. Dahil balak kong isama pauwi sa aming probinsiya ang alaga kong aso ay tinanong ko ang pamunuan ng bus kung pinapayagan ang mga alagang aso sa kanilang biyahe.
Tinanong nila kung gaano kalaki ang aking aso at ipinaliwanag ko na kasing laki lamang ito ng pusa. Pumayag naman sila sa akin basta diumano may maayos ng kulungan ang aking alaga. Dahil dito ay ikinuha ko pa ng munting hawla ang aking alaga para sa biyahe. Nang dumating na ang araw ng aking biyahe ay kasama ko na ang aking aso na nasa loob ng kanyang pangbiyaheng kulungan. Ngunit sa halip na isakay sa loob ng bus ay ipinalalagay ng konduktor ng bus ang aking alaga sa ilalim na lagayan ng bus kasama ang mga bagahe. Ako ay nagulat dahil inakala kong maaaring isakay ang maliit kong aso sa loob kasama ng mga pasahero. Lubos din akong nabahala dahil kita ko ang init at siksikan sa loob ng lalagyan ng mga bagahe sa ilalim ng bus.
Sinubukan ko na ipaliwanag sa konduktor na delikado sa hayop na isama sa mga bagahe sa ilalim ng bus dahil sa init at pagiging siksikan, tiyak na magdudulot ng hirap sa paghinga ng alaga ko. Pero nanindigan ang konduktor na tanging sa ilalim lang sila ng bus maaaring isakay at hindi kasama ng mga pasahero. Dahil sa pag-aalala sa magiging kalagayan ng aso ko ay minabuti ko na lang na hindi na tumuloy sa pagsakay ng bus at maghanap na lang ng pribadong sasakyan na masasabayan sa pag-uwi sa probinsiya kasama ng alaga ko. Dahil dito ay gusto kong malaman kung sadya bang bawal magsakay ng alagang hayop sa bus? Sana ay mapayuhan ninyo ako. – Rolly
Dear Rolly,
Para sa inyong kaalaman, pinapayagan na ang pagsakay ng mga alagang hayop na kasama ang mga pasahero sa pampublikong sasakyan. Nasasaad sa Memorandum Circular No. 2020-003 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang mga alagang hayop, tulad ng aso at pusa ay maaari ng maisakay sa mga pampublikong sasakyan tulad ng bus.
Nakasaad sa panuntunang ito ang mga kondisyon para payagan ang pagsakay ng mga alagang hayop sa pampublikong sasakyan. Ang ilan sa mga kondisyong ito ay kinakailangang hindi ito makakaapekto sa kalusugan at kaligtasan ng ibang pasahero.
Kinakailangan din na ilagay ang mga halagang hayop sa hawla o animal carrier na walang masangsang na amoy.
Kailangan din na nakasuot ng diapers ang mga alagang hayop sa buong biyahe upang mapanatili ang kalinisan sa biyahe. Ang malalaking uri ng aso naman ay hindi maaaring isakay dahil tanging maliliit hanggang may katamtamang laki lang ang maaaring isakay.
Kinakailagan din na ang hawla ng isasakay na hayop ay nasa sa tabi ng pasaherong may alaga nito. At kinakailangang bayaran ang pamasahe ng upuang gagamitin sa halagang katumbas ng pamasahe ng pasaherong may dala nito. (LTFRB Memo Circular No. 2020-003)
Ang pagpipilit ng konduktor na isakay sa ilalim ng bus kasama ang mga bagahe ay may maaaring paglabag sa batas. Ito ay dahil nasusulat sa Republic Act (R.A.) No. 8484 na kilala bilang Animal Welfare Act of 1998 at inamyendahan ng R.A. No. 10631 na obligasyon ng may-ari ng pampublikong sasakyan na bigyan ng maayos at malinis na pasilidad ang mga hayop para sa ligtas na paglalakbay ng mga ito. Nakasaad din na wala dapat sapiting kalupitan ang hayop sa pagkarga at pagbiyahe sa kanila. Anumang uri ng kalupitan na gagawin sa pagbiyahe ng hayop ay bibigyang-parusa sa ilalim ng batas na ito. (Sec. 4, Ibid.)
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments