Dapat ang kakandidatong VP ay bukal sa loob, hindi 'yung inutusan lang ni FPRRD!
- BULGAR

- 14 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 22, 2026

NAGSALITA NA SI MAYOR LENI NA NAGA CITY LANG ANG POKUS NIYA, KAYA MALAMANG SASABLAY ANG MARCOS ADMIN NA KUMBINSIHIN ITONG LABANAN SI VP SARA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION – Nang ianunsyo ni Presidential Communication Officer (PCO) Usec. Claire Castro na makikipagkita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) kay Mayor at dating Bise Presidente Leni Robredo sa Naga City para sa programang "Kontra-Baha," napansin ng mga mamamahayag ang suot na pink na damit ni Usec. Claire. Nang magkita naman sina PBBM at Mayor Leni, ipinakita rin ng presidente na ang kanyang medya ay kulay pink.
Kung ito man ay unang hakbang ng administrasyong Marcos upang himukin si Mayor Leni na tumakbo sa pagka-presidente at palakasin ang posisyon ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa 2028, malamang ay hindi ito magtatagumpay. Mula sa pahayag ng mayora, malinaw na naka-pokus siya sa paglilingkod sa kanyang mga kababayan sa Naga City at wala siyang intensyong sumali sa pambansang eleksyon. Period!
XXX
HINDI KATANGGAP-TANGGAP SA PUBLIKO ANG SINABI NI SEN. PADILLA NA KAKANDIDATO SIYANG VP KUNG IUUTOS SA KANYA NI FPRRD, DAPAT ‘PAG KAKANDIDATONG BISE PRESIDENTE, BUKAL SA LOOB AT HINDI MAY NAG-UTOS LANG – Ayon kay Sen. Robin Padilla, handa siyang tumakbo bilang bise presidente sa tabi ni VP Sara Duterte kung ito raw ang utos ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Hindi katanggap-tanggap sa publiko ang pahayag ni Sen. Padilla, dahil ang desisyon na tumakbo sa pagka-bise presidente ay dapat bukal sa kanyang sariling kagustuhan at hangaring maglingkod sa bayan, hindi lamang dahil sa utos ng kanyang “Tatay Digong.” Boom!
XXX
MALAMANG IABSUWELTO NG COMELEC SI SEN. MARCOLETA SA TAKOT NA I-BASH SILA NG MILYON-MILYONG BOMOTO SA SENADOR – ‘Wag nang umasa ang mga anti-Marcoleta na papatawan ng parusa ng Comelec si Sen. Rodante Marcoleta dahil sa umano’y misdeclaration sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) niya.Alam ng Comelec na kung parurusahan nila si Marcoleta, puputaktihin sila sa social media ng mga pro-Marcoleta, lalo na’t mahigit 15 milyong Pilipino ang bumoto sa kanya. Kaya’t para makaiwas sa bash, mas pinili ng Comelec na iabsuwelto ang senador. Period!
XXX
DAPAT LANG TULUYANG KASUHAN AT IPAKULONG NG MALACAÑANG ANG MGA FAKE NEWS VLOGGERS PARA MABAWASAN ANG MGA NAGPAPAKALAT NG PEKENG IMPORMASYON SA SOCMED – Sinabi ni Usec. Claire na hindi tatanggapin ng Malacañang ang anumang paghingi ng paumanhin mula sa mga Duterte Diehard Supporters (DDS) vlogger na nag-post ng pekeng medical record ni PBBM, na nag-uulat ng malubhang karamdaman ng presidente. Dapat tuluyang kasuhan at ikulong ang mga vlogger na ito upang mabawasan ang pagkalat ng pekeng impormasyon sa social media at maprotektahan ang mga netizens mula sa panloloko. Boom!




Comments