Dalawang uri ng acquittal at ang epekto nito sa bayad-pinsala
- BULGAR

- 20 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 26, 2026

Dear Chief Acosta,
Kahit ba napawalang-sala sa kasong kriminal, maaari pa rin bang mapanagot para sa bayad-pinsala? – Dee
Dear Dee,
Nakasaad sa ating batas na ang bawat tao na may pananagutang kriminal ay may pananagutan ding sibil. Ang pananagutang kriminal ay nagbubunga ng pananagutang sibil kung ang maling gawa o pagkukulang ay nagresulta sa pinsala sa iba, at ito ang direkta at malapit na sanhi ng naturang pinsala. Ang bawat krimen ay nagdudulot ng: (1) isang kriminal na aksyon para sa kaparusahan ng nagkasala na partido at (2) isang sibil na aksyon para sa pagsasauli ng bagay, pag-aayos ng pinsala, at bayad-pinsala sa nawala. (Sonny Romero y Dominguez vs. People of the Philippines, G.R. No. 167546, 17 Hulyo 2009, sa panulat ni Honorable Chief Justice Renato C. Corona)
Sa kasong George Manantan vs. The Court of Appeals, Spouses Marcelino Nicolas and Maria Nicolas, G.R. No. 107125, 29 Enero 2001, pinasiyahan ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Leonardo A. Quisumbing, na hindi naaalis ang sibil na pananagutan dahil lamang sa napawalang-sala sa kasong kriminal:
“Our law recognizes two kinds of acquittal, with different effects on the civil liability of the accused. First is an acquittal on the ground that the accused is not the author of the act or omission complained of. This instance closes the door to civil liability, for a person who has been found to be not the perpetrator of any act or omission cannot and can never be held liable for such act or omission. There being no delict, civil liability ex delicto is out of the question, and the civil action, if any, which may be instituted must be based on grounds other than the delict complained of. This is the situation contemplated in Rule 111 of the Rules of Court. The second instance is an acquittal based on reasonable doubt on the guilt of the accused. In this case, even if the guilt of the accused has not been satisfactorily established, he is not exempt from civil liability which may be proved by preponderance of evidence only. This is the situation contemplated in Article 29 of the Civil Code, where the civil action for damages is ‘for the same act or omission.’ Although the two actions have different purposes, the matters discussed in the civil case are similar to those discussed in the criminal case. However, the judgment in the criminal proceeding cannot be read in evidence in the civil action to establish any fact there determined, even though both actions involve the same act or omission. The reason for this rule is that the parties are not the same and secondarily, different rules of evidence are applicable. Hence, notwithstanding herein petitioner's acquittal, the Court of Appeals in determining whether Article 29 applied, was not precluded from looking into the question of petitioner's negligence or reckless imprudence.”
Kinikilala ng ating batas ang dalawang uri ng pagpapawalang-sala na may magkaibang epekto sa sibil na pananagutan ng akusado. Una ay ang pagpapawalang-sala dahil napatunayang hindi ang akusado ang may gawa ng krimen. Sa ganitong sitwasyon, walang sibil na pananagutan na nakakabit dito dahil ang akusado ay napag-alamang walang anumang kasalanan para sa naturang gawa o pagkukulang. Pangalawa ay ang pagpapawalang-sala batay sa makatwirang pagdududa sa pagkakasala ng akusado. Sa kasong ito, kahit na ang pagkakasala ng akusado ay hindi sapat na naitatag sa dininig na kasong kriminal, siya ay hindi awtomatikong mawawalan ng sibil na pananagutan na maaaring patunayan sa pamamagitan lamang ng kahigtan ng ebidensya o preponderance of evidence.
Kung kaya, ang sagot sa iyong katanungan ay nakasalalay sa uri ng hatol na pagpapawalang-bisa. May mga pagkakataon na nawawala ang sibil na pananagutan, ngunit may mga sitwasyon din na maaari pa ring managot sa bayad-pinsala kahit napalawang-sala sa kasong kriminal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments