top of page

Dahil daming natalo, mga laos na artista, malamang ‘di na kakandidato sa 2028 Election

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 17
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SUWERTE-MALAS SA PULITIKA SI DE LIMA, NANALO, TAPOS NAKUKULONG -- Matapos magwagi ni ML Partylist Representative Leila De Lima ay binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Muntinlupa City Regional Trial Court na nag-a-acquit sa kanya (De Lima) sa kasong may kinalaman sa droga, na kung sakaling kakatigan ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng CA, malamang balik-kulungan siya.


Suwerte-malas din inaabot ni De Lima sa pulitika. Nang magwagi siya sa pagka-senador noong May 2016, wala pang isang taon sa pagiging senador ay nakulong siya sa kasong may kinalaman sa droga noong Feb. 2017, at noong Nov. 2023 ay nakalaya siya sa pamamagitan ng piyansa, at pagsapit ng year 2024 absuwelto na siya sa lahat ng kanyang kaso.


Ito na siste, lumahok na naman siya sa pulitika at nagwagi bilang first nominee ng ML Partylist, at ang kasunod nito, pagbaligtad ng CA sa desisyon ng Muntinlupa City RTC na nag-a-acquit sa kanya, na kung mamalasin na naman, malamang balik-kulungan siya uli, boom!


XXX


SI SPEAKER ROMUALDEZ ANG SISIHIN SA PAGKATALO NG KARAMIHANG ‘MANOK’ NI PBBM SA PAGKA-SENADOR -- Sinabi ni “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” campaign manager, Navotas City Rep. Toby Tiangco na ang isyung impeachment kay VP Sara ang sanhi kaya anim lang sa mga kandidatong senador ng Marcos administration ang nagwagi sa nakaraang halalan.


Kung ganu’n, si Speaker Martin Romualdez pala ang dapat sisihin ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa pagkatalo ng karamihan sa kanyang mga ‘manok’ sa senatorial election, kasi nga lahat ng impeachment cases laban kay VP Sara ay tinanggap ng Kamara, at pagkaraan ay agad-agad pa itong dinala sa Senado para sa impeachment trial sa bise presidente, period!


XXX


LAKI NA NG GASTOS NG ILANG PULITIKO, TALO PA RIN SA ELEKSYON -- Sa inilabas ng Comelec na gastos ng mga kandidato sa pagka-senador ay talaga namang nakakalula ang ginasta nila sa mga political ads, may gumastos ng bilyun-bilyong piso at daan-daang milyong piso.


Sa mga nagwagi, maaaring balewala lang iyan dahil ‘ika nga “mababawi” din naman, eh ang masaklap ay sa mga talunan, siguradong sakit-ulo kasi gumasta na ng malaki, talo pa rin ang inabot sa halalan, boom!


XXX


BAKA SA 2028 ELECTION, WALA NANG LAOS NA ARTISTA ANG KUMANDIDATO -- Maraming laos na artista na kumandidato nitong nakalipas na halalan ang natalo. 


Malamang niyan, sa 2028 elections ay baka wala nang artistang kumandidato, kasi nga namulat na ang mayoryang mamamayan, ayaw na nilang iboto ang mga laos na artista na pumapasok sa pulitika, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page