Dagdag-suporta at insentibo para sa atletang Pilipino, lusot na sa Senado
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 13, 2026

Sa Senado kamakailan, inaprubahan namin sa third and final reading ang SBN 1743 na layong mag-amyenda sa RA 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act. Bilang principal sponsor at author ng panukala, prayoridad ko na palakasin pa ang suporta sa ating mga pambansang atleta at sa kanilang mga coach na patuloy na nagdadala ng karangalan sa Pilipinas.
Sa aking paliwanag ng boto sa plenaryo noong March 9, nagpasalamat ako sa aking mga kasamahan sa Senado sa pagsuporta sa panukalang batas na magpapalawak sa mga insentibo para sa mga atleta. Para sa akin, mahalaga na masigurong may sapat na pagkilala at suporta sa mga atletang nagsusumikap para sa bansa.
Isa sa mahahalagang bahagi ng panukalang ito ang pagbibigay ng pantay na pagkilala sa ating mga para-athletes. Ipinaliwanag ko sa aking manifestation na layunin ng panukala na tiyakin na ang mga atletang may kapansanan ay mabibigyan din ng patas at makatarungang insentibo para sa kanilang mga tagumpay.
Hindi naman nila kasalanan kung sila ay ipinanganak na may kapansanan. Ngunit ang karangalang dinadala nila para sa ating bansa ay kapareho rin ng sa iba pang pambansang atleta. Kaya dapat lamang na mabigyan sila ng pantay na insentibo at pagkilala. Sa ganitong paraan, mas mapapalakas natin ang inklusibidad at pagkakapantay-pantay sa sektor ng sports sa bansa.
Napapanahon din ang hakbang na ito dahil kamakailan lamang ay pinagtibay ng Korte Suprema ang utos na ang PAGCOR at ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay dapat na mag-remit ng bahagi ng kanilang kita para sa pondo ng Philippine Sports Commission. Ngayon na pinal na ang desisyon ng Korte Suprema, umaasa tayo na magkakaroon na ng sapat na pondo para suportahan ang mga programa para sa ating mga manlalaro.
Isa pang mahalagang bahagi ng panukalang batas ay ang pag-alis ng buwis sa mga insentibo, bonus, at gantimpala na ibinibigay sa mga pambansang atleta at kanilang mga coach, lalo na kapag sila ay nanalo sa mga international sports competition.
Ipinaliwanag ko rin sa plenaryo na sa kasalukuyang sistema, ang mga gantimpala mula sa pribadong indibidwal o kumpanya ay napapatawan pa ng donor's tax na 6%. Bukod pa rito, hindi rin ganap na naibabawas sa taxable income ng donor ang halaga ng kanilang ibinigay na tulong.
Dahil dito, nagiging pabigat ang sistema ng buwis at nagiging hadlang sa mas malawak na suporta mula sa pribadong sektor. Kung aalisin ang mga ganitong buwis, mas mahihikayat ang mga pribadong indibidwal at kumpanya na magbigay ng karagdagang insentibo sa ating mga atleta.
Mahalaga ang pagtutulungan ng iba't ibang sektor upang patuloy na umangat ang antas ng sports sa bansa. Kapag nagsanib-puwersa ang pamahalaan at ang pribadong sektor, mas nabibigyan ng pagkakataon ang ating mga atleta na maabot ang kanilang buong potensyal at patuloy na magdala ng karangalan sa Pilipinas.
Samantala, nitong March 10, nakiisa tayo sa 1st Philippine Councilors League (PCL) Romblon Chapter Convention 2026 na ginanap sa Diamond Hotel Manila kung saan nakasama ko ang mga konsehal mula sa lalawigan ng Romblon. Dumalo rin ako sa 2026 Philippine Councilors’ League (PCL) National Congress and First Quarterly Continuing Local Legislative Education Program (CLLEP) na ginanap sa Pasay City noong March 5, kung saan nakasama ko ang libu-libong konsehal mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa mga pagkakataong ito, aking kinilala ang mahalagang papel ng mga konsehal sa pagpapatibay ng mabuting pamamahala sa lokal na pamahalaan at sa patuloy na paghahatid ng mga programang makatutulong sa kapakanan ng ating mga kababayan. Para sa akin, ang ating mga councilors ay “superstars in their own right” dahil sila ang mga lider na nasa unahan ng paglilingkod sa inyong nasasakupan.
Noong March 6 naman, dumalo ako sa 77th Philippine Airlines Inter-Club Golf Tournament Fellowship Night sa Davao City. Nagpapasalamat ako kay PAL President Richard Nuttall, PAL Executive Vice President and Chief Operating Officer Atty. Carlos Fernandez, at sa iba pang opisyal ng PAL sa pag-organisa ng naturang kaganapan.
Noong March 7, personal din naming pinuntahan at binisita ang 89 na pamilyang naapektuhan ng kamakailang sunog sa Barangay Magtuod, Buhangin, Davao City.
Tumulong din ang ating team sa iba't ibang kababayang nangangailangan habang inaasistehan ang mga biktima ng sunog sa General Trias City, Cavite; Jaro, Iloilo City; Abuyog, Leyte; Orani, Bataan; Intramuros, Manila; at Pasay City.
Dumalo rin ang aking team sa turnover ng Oroquieta City Super Health Center sa Misamis Occidental.
Nagbigay rin ang team ng karagdagang tulong sa mga biktima ng Tropical Storm Basyang sa Dapa, San Benito, at General Luna sa Siargao Island, Surigao del Norte. Daang-daang mahihirap na kababayan mula sa Nasugbu, Batangas ang nabigyan din ng tulong.
Bukod dito, tumanggap din ng karagdagang tulong mula sa aming team ang mga tech-voc scholars mula sa Sto. Tomas, Batangas; Teresa, Rizal; Kapatagan at Bacolod, Lanao del Norte; at Norala, South Cotabato sa kanilang graduation noong nakaraang linggo.
Bilang Mr. Malasakit, umaasa at nananalangin ako para sa kapayapaan at kapakanan ng lahat ng mga Pilipino saanman sila naroroon sa mundo. Patuloy akong magsisilbi nang may buong katapatan at determinasyon dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo din sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.




Comments