Dagdag-pasahe, pasanin ng commuters dahil sa kawalan ng fuel subsidy
- BULGAR

- 6 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 17, 2026

'MANOK' NI VP SARA SA PAGKA-CONGRESSMAN NG ANTIPOLO 2ND DISTRICT TALO KAYA NAKUWESTIYON KUNG TOTOO O FAKE MATAAS NIYANG RATINGS SA SURVEY – Sa special election para sa pagka-kongresista sa 2nd district ng Antipolo City, natalo ang kandidato ni Vice President Sara Duterte, si Duterte Diehard Supporter (DDS) Reden Llaga, na nakakuha lamang ng mahigit 12,000 boto. Tinambakan siya ng boto ng nanalong si Dr. Bong Acop, anak ng yumaong Cong. Romeo Acop, na nakakuha ng mahigit 60,000 boto.
Noong nabubuhay pa si Cong. Romeo Acop, isa siya sa nagsulong ng impeachment laban kay VP Sara Duterte noong Pebrero 5, 2025. Ayon sa mga survey, mataas ang rating ni VP Sara sa posisyon ng bise presidente, kaya inakala ng mga DDS na mananalo ang kapwa nilang DDS na si Llaga. Mali ang kanilang akala dahil sa huli, si Bong Acop ang nagwagi.
Dahil sa resulta ng halalan sa 2nd district ng Antipolo City, na ikinatalo ng "manok" ni VP Sara, nagiging kontrobersyal ngayon sa social media kung totoo o fake ang mga lumalabas na survey na nagpapakita ng mataas na rating ng bise presidente. Kung totoo ito, marapat na mas maraming sumuporta kay DDS Llaga, lalo na’t kilala ang ama ni Bong Acop bilang anti-Duterte. Ngunit kabaligtaran ang nangyari — ang nagwagi ay ang anak ng anti-Duterte. Boom!
XXX
'MANOK' NI PBBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION, POSIBLENG IBASURA NG NUP MEMBERS SA KANILANG MGA DISTRITO – Kabilang sa mandato ng mga kongresista ang pagtugon sa mga proyektong inihaharap sa kanila ng kanilang mga constituents. Ngunit dahil dinedemahuhan lang ni Speaker Bojie Dy ang mga proyektong ito, nagbanta si National Unity Party (NUP) chairman at Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno na aalis ang kanilang partido sa House majority.
Kapag nangyari ito, malaking problema ito kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (PBBM) dahil tiyak na magre-react ang NUP members. Sinuman ang susuportahan ng Marcos administration sa 2028 presidential election ay maaaring hindi paboran ng mga NUP sa kanilang mga distrito. Boom!
XXX
OBLIGASYON NG MARCOS ADMIN NA TULUNGAN ANG PUBLIC TRANSPORTS SA GITNA NG KRISIS, IPINASA SA DAGDAG-PASAHE NA MAGDUDULOT NG DAGDAG-DUSA SA MGA PASAHERO – Dahil sa tumaas na presyo ng krudo, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag-pasahe sa lahat
ng pampublikong sasakyan.
Puwede namang hindi itaas ang pasahe kung ibibigay ng administrasyong Marcos ang mas sapat na fuel subsidy sa mga tsuper ng public transport. Sa halip, isang P5,000 na lamang ang ipinamahagi — halagang hindi sapat para sa krudo sa isang linggong biyahe ng mga pampublikong sasakyan.
Dahil tila magtatagal pa ang digmaan sa Middle East, sa halip na dagdagan ang fuel subsidy, ipinasa ng gobyerno ang obligasyong ito sa mga pasahero sa pamamagitan ng pag-apruba sa dagdag-pasahe. Para sa mga commuters, dagdag-pahirap ang hatid nito. Tsk!
XXX
MAKABAYAN BLOC REPRESENTATIVES, HINDI TUMATANGGAP NG PORK BARREL KAYA IMPOSIBLE ANG ALEGASYON NG 18 EX-MARINES NA NAGDELIBER SILA SA MGA ITO NG MALE-MALETANG KICKBACK — Bukod sa hindi kapani-paniwalang alegasyon ng 18 dating sundalong marine, na umano’y pinayaman ng dati nilang amo na si ex-Cong. Zaldy Co, hindi rin kapani-paniwala ang pahayag na nagbigay sila ng male-maletang perang kickback sa mga miyembro ng Makabayan bloc noong nakaraang taon—sina ACT Teacher partylist Rep. France Castro, Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, at Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel.
Sa rekord, hindi tumatanggap ng pork barrel ang mga Makabayan bloc representatives, kaya’t napakabihirang maniwala na tumanggap sila ng kickback. Period!




Comments