Dagdag na suporta at serbisyo para sa mga may autism
- BULGAR

- 23 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 16, 2026

Panahon na para bigyan ng sapat na pansin ang matagal nang napapabayaan na sektor ng lipunan: ang mga Pilipinong nasa Autism Spectrum Disorder (ASD) at ang kanilang mga pamilyang araw-araw na humaharap sa kakulangan ng suporta mula sa sistema.
Ang panukalang batas sa Senado para sa agarang pagpasa ng National Autism Care, Support and Inclusion Act ay hindi lamang usaping pambatas, kundi usapin ng konsensya ng pamahalaan at malasakit sa mamamayan.
Ayon sa panukalang batas, ito ay tugon sa mga puwang na matagal nang nararanasan ng mga may ASD—mula sa mabagal na early screening at diagnosis, kakulangan ng espesyalistang serbisyong pangkalusugan, hindi pantay na access sa inclusive education, limitadong oportunidad sa trabaho, hanggang sa mahihinang community-based support system. Ito ang mga hadlang na nagpapabigat sa bawat pamilyang nakakaranas ng parehong problema, lalo na sa mga nasa laylayan na walang kakayahang tustusan ang mahal na therapy at pribadong serbisyong medikal.
Bagama’t kinikilala ng Republic Act No. 11228 ang autism bilang isang uri ng kapansanan, malinaw na hindi sapat ang pagkilala kung watak-watak ang implementasyon nito. Hanggang ngayon, maraming magulang ang napipilitang magsakripisyo ng trabaho, ipon, at sariling kalusugan upang mabigyan ng disenteng kinabukasan ang kanilang anak na may ASD.
Binigyang-diin din ng panukalang batas ang datos ng World Health Organization (WHO) na laganap ang autism sa buong mundo, ngunit kulang ang datos at serbisyo lalo na sa low- at middle-income countries gaya ng Pilipinas. Dito pumapasok ang kahalagahan ng panukalang batas na magtatatag ng isang National Plan of Action para sa ASD.
Sa ilalim ng panukala, ang National Council on Disability Affairs (NCDA) ang mangunguna sa pagpapatupad, katuwang ang iba’t ibang ahensya, upang palakasin ang early detection, serbisyong medikal, inclusive education, patas na oportunidad sa trabaho, social protection, at family counseling. Ito ay hakbang patungo sa lipunang hindi nagtataboy, kundi yumayakap sa pagkakaiba-iba ng tao.
Ang panawagang ito ay higit pa sa batas; ito ay panawagan para sa dignidad, pagkakapantay-pantay, at pagkilala na ang mga Pilipinong may ASD ay hindi pabigat, kundi bahagi ng masaya at malusog na lipunan. Kapag pinili ng Kongreso na pabilisin ang pagpasa nito, malinaw na walang maiiwang sektor kapag ang pamahalaan ay mas piniling tumulong, makinig, at pangalagaan ang bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments