top of page
SPECIAL ARTICLE - ANGEL, IN-UNFOLLOW NI MARIEL-IG _therealangellocsin & FB _marieltpadilla

Dagdag-benepisyo para sa mga uniformed personnel

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 17, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Hindi madali ang maging sundalo o ang pagiging isang uniformed personnel. Araw-araw, iniiwan nila ang kanilang mga pamilya at humaharap sa mahihirap at mapanganib na sitwasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng ating mga mamamayan.


Noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dinoble noong 2018 ang sahod ng mga entry-level na pulis, sundalo, at iba pang uniformed personnel. Kabilang dito ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).


Ipinakita ng hakbang na ito ang pagpapahalaga sa sakripisyo at serbisyo ng ating mga kawani sa uniformed services. Hanggang ngayon, patuloy kong sinusuportahan ang mga hakbang na naglalayong mapabuti ang kanilang kalagayan.


Isa rin sa mga isinusulong ko ang Senate Bill No. 684 o ang panukalang Scholarship for Children of Fallen Military and Uniformed Personnel. Kung maging batas, makapagbibigay ng tulong ang gobyerno sa edukasyon ng mga anak ng mga military at iba pang uniformed personnel na nasawi o permanenteng nawalan ng kakayahang magtrabaho habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.


Saklaw ng panukala ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), PCG, BFP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at BJMP.


Maliit lamang ang inisyatiba na ito kung ihahambing sa laki ng kanilang sakripisyo. Gayunpaman, mahalagang malaman ng kanilang mga pamilya na hindi sila nakakalimutan at patuloy na kinikilala ng pamahalaan ang serbisyong ibinigay nila sa bayan.


Ako po ang principal author at isa sa mga co-sponsor ng Republic Act No. 12177 o ang Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act. Sa ilalim ng batas, maaaring mabigyan ng legal na tulong ang mga uniformed personnel na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa lehitimong pagganap ng kanilang opisyal na tungkulin.


Co-author din ako ng Republic Act No. 11549 na nagpababa sa minimum height requirement para sa PNP at iba pang uniformed services. Sa pamamagitan nito, mas maraming kwalipikadong Pilipino ang nabigyan ng pagkakataong maglingkod sa bayan.


Sinuportahan ko rin ang Republic Act No. 11200, na nag-ayos at nagpahusay sa rank classification ng PNP.


Naghain din ako ng Senate Bill No. 682 o ang Philippine Coast Guard Modernization Bill. Layunin nitong palakasin ang kagamitan, pasilidad, at kakayahan ng PCG upang mas magampanan nito ang tungkulin sa pagbabantay sa ating karagatan, pagtugon sa sakuna, at pagprotekta sa ating seguridad.


Kaugnay nito, sa aking mensahe para sa ika-28 anibersaryo ng 66th Infantry “Kabalikat” Battalion (66IB) ng Philippine Army noong July 10, ipinaabot ko ang aking pagbati at pasasalamat sa mga opisyal at kawal ng batalyon.


Sa mga opisyal at kawal ng 66th Infantry “Kabalikat” Battalion, maraming salamat po sa inyong serbisyo. Patuloy sana tayong maging tunay na magkatuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaligtasan, at soberanya ng ating bansa.


Samantala, noong July 9, personal tayong nagtungo sa Dolores, Quezon province upang dumalo sa First Provincial Assembly ng Philippine Councilors League (PCL) Quezon sa paanyaya ni PCL Quezon Chapter President at Board Member Aileen Malabanan-Dellosa. Ikinagalak nating makasama sina Vice Governor Third Alcala, Dolores Mayor Orlan Calayag, ilang vice mayors, at iba pang lokal na mambabatas mula sa lalawigan ng Quezon. Ipinaalala natin sa kanila na ang tunay na serbisyo publiko at pagmamahal sa kapwa Pilipino ay dapat laging nagmumula sa puso.


Kinagabihan, personal din tayong dumalo sa Installation and Inauguration Ceremony ng mga bagong halal na pambansang opisyal ng Fraternal Order of Eagles – Philippine Eagles para sa Eagle Year 2026–2028 na ginanap sa Pasay City. Bilang miyembro ng samahan, ipinaabot natin ang ating pagbati sa mga bagong halal na opisyal na pinangungunahan ng bagong luklok na National President Agaton Javier. Ipinaalala rin natin sa kanila na ang bawat posisyon ay dapat gamitin bilang pagkakataon upang maglingkod, itaguyod ang pagkakaisa, tumulong sa kapwa, at magpakita ng malasakit sa ating mga kababayan. Nagpasalamat din tayo kay outgoing National President Ronald delos Santos para sa kanyang tapat na paglilingkod.


Patuloy ring naghatid ng tulong ang ating Malasakit Team sa mga nangangailangan. Agad nilang tinulungan ang mga nasunugan sa Makati City; Pasay City; Malabon City; Tacloban City, Leyte; Cabatuan, Iloilo; Davao City; at Mati City, Davao Oriental.


Tinulungan din ang mga nasunugan na patuloy na bumabangon sa San Miguel, Leyte. Nakatanggap ang mga benepisyaryong ito ng tulong sa pabahay mula sa pambansang pamahalaan.


Nagpaabot din tayo ng tulong sa mga displaced workers sa Lupao, Nueva Ecija. Sinuportahan din ng ating Malasakit Team ang mga iskolar sa kanilang graduation sa Malabon City at Daet, Camarines Norte. Nakatanggap din ng tulong mula sa ating grupo ang mga indigents sa Mati City, Davao Oriental. Isinagawa ang mga outreach activity na ito sa pakikipag-ugnayan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.


Naghatid rin ako ng aking pakikiramay at suporta sa mga naiwang pamilya at mahal sa buhay ng mga namatay sa isang landslide sa Malapatan, Sarangani province. 


Bilang Mr. Malasakit, patuloy akong magtatrabaho at susuporta sa pagpapaunlad ng ating mga komunidad sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page