Credit card fees at computation, hindi basta puwedeng baguhin
- BULGAR

- Mar 28
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 28, 2026

Dear Chief Acosta,
Credit card na ang ginagamit kong pambayad sa aking mga pinamimili, kung kaya sinisigurado ko na nababayaran ko nang wasto ang aking due upang maiwasan ang dagdag na interest o fees ang utang ko. Ngunit nitong nakaraang araw, pagkatanggap ko ng aking statement of account, napansin ko na tumaas ang ibang fees sa aking account at nagbago rin ang paraan ng computation ng babayaran kong balanse. Nagulat ako dahil wala naman akong natanggap na abiso patungkol sa nasabing pagbabago. Ito po ba ay akma sa batas? Salamat po. — Jaxson
Dear Jaxson,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 13 at 25 ng Republic Act (R.A.) No. 10870, na mas kilala sa tawag na "Philippine Credit Card Industry Regulation Law,” na nagsasaad na:
“Section 13. Changes in the Manner of Computation and Fees. - The cardholder shall be notified at least ninety (90) days prior to any change in the manner of computation of the outstanding balance and the amount of fees to be imposed on the cardholder. If the cardholder finds the change to be unacceptable, he/she shall have the right to terminate his/her account with the credit card issuer subject to Section 25 of this Act.
Section 25. Termination of Account. - A cardholder may cancel or terminate his/her account anytime; Provided, That the cardholder either pays in full or enters into another agreement for payment of the outstanding balance and new purchases, debits and deferred installments payment may be made either through a one-time payment or on installments within a fixed period of time: Provided, further, That repayment in installments shall only be generally subject to interest unless there is a violation of the new agreement.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, at bilang kasagutan sa iyong katanungan, ang isang credit cardholder ay dapat mabigyan ng abiso sa loob ng 90 days bago ang pagkakaroon ng pagbabago sa paraan ng komputasyon ng outstanding balance at fees na ipapataw sa mga credit cardholders. Kung kaya, sa iyong nabanggit na sitwasyon, maaaring hindi akma na nagkaroon ng pagbabago sa komputasyon ng babayaran mong balanse at karagdagang fees. Malinaw na nakasaad sa Seksyon 13 ng R.A. No. 10870 na dapat mabigyan ng abiso sa loob ng ninety (90) days ang mga credit cardholders bago magkaroon ng mga pagbabago sa paraan ng computation at pagpataw ng karagdagang fees.
Nais naming ipaalam sa iyo na kung ang nasabing pagbabago ay hindi katanggap-tanggap, ang nasabing credit cardholder ay may karapatan na itigil na ang kanyang kontrata sa kanyang bangko. Ngunit, ito ay dapat naaayon sa probisyon ng Seksyon 25 ng R.A. No. 10870, kung saan ang credit cardholder ay maaaring bayaran ng buo ang kanyang balanse o magkaroon ng isang agreement sa bangko patungkol sa paraan ng pagbabayad ng kanyang outstanding balance.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments