Copyright ng akda, maaaring hatiin at ibigay sa dalawa o higit pang magkaibang tao

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 31, 2020
Dear Chief Acosta,
Sa pagsusulat ko ng online novel ay tinulungan ako ng aking kaibigan na nag-isip ng plot para sa katapusan ng istorya. Dahil dito, naisip kong ibigay sa kanya ang copyright ng nasabing parte ng istorya habang sa akin pa rin ang copyright para sa mga natitirang mga parte nito. Maaari ko ba itong gawin? – Jik
Dear Jik,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Seksyon 180 ng Republic Act (R.A.) No. 10372, o mas kilala sa tawag na Intellectual Property Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“The copyright may be assigned in whole or in part. Within the scope of the assignment, the assignee is entitled to all the rights and remedies which the assignor had with respect to the copyright.” (Binigyang-diin)Samakatwid, ang copyright ng gawa o akda ay maaaring hatiin at ibigay sa dalawa o higit pang magkaibang tao. Ibig sabihin, maaari ninyong ibigay ang parte ng copyright ng inyong akda sa inyong kaibigan, habang nanatiling sa inyo ang karapatan para sa copyright ng natitirang parte ng inyong akda.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments