Ama na tumatanggi sa DNA test, hindi lusot sa batas
- BULGAR

- 7 hours ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 25, 2026

Dear Chief Acosta,
Tumatanggi ang biyolohikal na ama ng aking panganay na kilalanin ang bata bilang kanyang anak. Tumanggi rin siyang magbigay ng sustento sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap. Hinahamon ko siyang sumailalim sa DNA testing upang matiyak kung siya nga ba ay hindi ama ng aking anak, ngunit tumatanggi siya sa dahilang hindi siya maaaring piliting sumailalim sa nasabing pagsusuri dahil ito ay paglabag sa kanyang mga karapatan. Tama ba ang kanyang sinabi? — King
Dear King,
Hindi tama ang kanyang sinasabi; maaari siyang obligahing sumailalim sa DNA testing upang matukoy ang kanyang estado bilang ama ng iyong anak. Ang paggamit at pagsasagawa ng DNA testing bilang paraan ng paglalahad ng ebidensya sa isang legal na paglilitis ay itinakda sa ilalim ng A.M. No. 06-11-5-SC o ang “Rules on DNA Evidence” na pinagtibay ng Korte Suprema noong Oktubre 2, 2007. Nakasaad sa Seksyon 4 ng mga tuntuning ito ang sumusunod:
“Sec. 4. Application for DNA Testing Order. – The appropriate court may, at any time, either motu proprio or on application of any person who has a legal interest in the matter in litigation, order a DNA testing. Such order shall issue after due hearing and notice to the parties upon a showing of the following:
A biological sample exists that is relevant to the case;
The biological sample: (i) was not previously subjected to the type of DNA testing now requested; or (ii) was previously subjected to DNA testing, but the results may require confirmation for good reasons;
The DNA testing uses a scientifically valid technique;
The DNA testing has the scientific potential to produce new information that is relevant to the proper resolution of the case; and
The existence of other factors, if any, which the court may consider as potentially affecting the accuracy of integrity of the DNA testing.
This Rule shall not preclude a DNA testing, without need of a prior court order, at the behest of any party, including law enforcement agencies, before a suit or proceeding is commenced.”
Batay sa mga nabanggit, ang DNA testing ay maaaring isagawa sa ilalim ng ating sistemang legal. Kung tumanggi ang kinauukulang panig na sumailalim sa nasabing pagsusuri, maaaring humiling ng utos mula sa korte upang maisagawa ang DNA testing. Kailangan lamang ay mapatunayan ng humihiling ng DNA testing na mayroong basehan ang kanyang hiling.
Sa kaso nina Arnel L. Agustin laban sa Court of Appeals at sa menor-de-edad na si Martin Jose Prollamante, na kinakatawan ng kanyang ina/tagapangalaga na si Fe Angela Prollamante (G.R. No. 162571, Hunyo 15, 2005, Ponente: Honorable Chief Justice Renato Tereso Antonio C. Corona), ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang sapilitang pagsasagawa ng DNA testing at ang pagtanggap sa mga resulta nito bilang ebidensya ay naaayon sa Konstitusyon, tulad ng sumusunod:
“For too long, illegitimate children have been marginalized by fathers who choose to deny their existence. The growing sophistication of DNA testing technology finally provides a much needed equalizer for such ostracized and abandoned progeny. We have long believed in the merits of DNA testing and have repeatedly expressed as much in the past. This case comes at a perfect time when DNA testing has finally evolved into a dependable and authoritative form of evidence gathering. We therefore take this opportunity to forcefully reiterate our stand that DNA testing is a valid means of determining paternity.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments