top of page

Cong-tractor firms, isama sa imbestigasyon ng Senado, bilyones na korupsiyon dapat mahukay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 23, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT ISAMA NI SEN. LACSON SA IMBESTIGAHAN ANG MGA CONSTRUCTION FIRMS NG 8 TINAGURIANG 'CONG-TRACTOR' – Sa Abril 14, 2026, muling magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Sen. Ping Lacson. Pangunahing resource person sa pagdinig si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.

Iminumungkahi na isabay na rin sa imbestigasyon ang mga construction firm ng walong kongresista na, ayon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), ay sangkot sa multi-bilyong pisong flood control scandal. Period!


XXX


HINDI DAPAT MAGING DAHILAN ANG INTER-PARLIAMETARY COURTESY PARA MAKALUSOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL ANG 8 CONG-TRACTOR – Kung ayaw ni Sen. Lacson na imbitahan sa Senado ang walong tinaguriang “cong-tractor” dahil sa usapin ng inter-parliamentary courtesy, maaari namang ipatawag at imbestigahan ang mga namamahala sa kanilang mga construction firm.


Hindi dapat maging hadlang ang inter-parliamentary courtesy para mapanagot ang mga sangkot sa flood control scandal. Ang panawagan ng mamamayan: lahat ng sangkot ay dapat managot. Period!


XXX


P5K CASH FUEL SUBSIDY UBOS DAW AGAD, BAKA NAMANG IPINANGSAKLA KAYA NAUBOS AGAD – Umaangal ang mga tsuper ng mga public transport sa fuel subsidy na P5,000 cash na ibinigay sa kanila ng pamahalaan dahil ubos na raw agad ito.

Aba teka, P5,000 cash ubos agad ? Kung nag kalahati niyan, P2,500 ipinambili nila ng isang sakong bigas para siguradong may kanin na kakainin, pang-ulam na lang poproblemahin, sure na sa loob ng isang buwan may panglaman sila sa kanilang sikmura, pati sikmura ng kanilang pamilya.


Baka naman ang P5k na fuel subsidy, dahil cash iyan na ibinigay sa kanila ay isinugal nila sa sakla, eh tiyak ubos talaga agad iyan kasi nga wala namang nanalo sa sugal. Boom!


XXX


SANA HINDI LANG PUBLIC TRANSPORT WORKERS BIGYAN NG AYUDA SA PANAHON NG OIL CRISIS, DAPAT LAHAT NG APEKTADO AY BIGYAN — Ang giyera sa Middle East na nagdudulot ng krisis sa langis ay nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin. Maihahambing ito sa krisis na naranasan ng mga Pilipino noong COVID-19 pandemic.


May pagkakaiba: sa oil crisis, nakakalabas pa ang mamamayan upang maghanapbuhay, samantalang noong pandemya ay pinagbawalan ang paglabas at pagtatrabaho ng marami.


Ang punto: sana ay hindi lamang mga public transport worker ang mabigyan ng ayuda ng Marcos administration, kundi lahat ng mamamayang apektado ng oil price hike. Nararapat na magbigay ng tulong na kahit kalahati man lamang ng naibigay noong Duterte administration sa mga apektado ng COVID-19 pandemic. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page