Cong. Sarah Elago, umaalma sa diumano'y baluktot na prayoridad ng administrasyon sa krisis sa langis
- BULGAR
- 3 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 12, 2026

CONG. SARAH ELAGO, INOKRAY SI PBBM, ANG BILIS DAW MANGHINGI NG EMERGENCY POWER PERO ANG BAGAL UMAKSYON SA EXCISE OIL TAX CUT – Binatikos ni Sarah Elago si Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y mabilis nitong paghingi ng emergency powers, ngunit mabagal naman sa pag-aksyon sa pagsuspinde ng excise tax sa langis.
Ayon kay Elago, may punto ang kritisismo sa isyung ito dahil ang pagsuspinde sa oil excise tax ang isa sa inaasahang hakbang ng mga tsuper ng pampublikong transportasyon upang kahit paano ay mabawasan ang kanilang gastos sa krudo. Gayunman, hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na aksyon mula sa Pangulo hinggil dito. Tsk!
XXX
MANONG CHAVIT, TILA MAY MALAKING 'PASABOG' KAYA IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL SCANDAL SA ABRIL 14, 2026 IPINA-CANCEL NI SEN. LACSON – Dapat sana’y kasabay ng impeachment hearing ng House Justice Committee sa Abril 14, 2026 ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan nakatakdang maging resource person si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa isyu ng flood control scandal.
Gayunman, sa kabila ng kahandaan ni Singson na humarap sa pagdinig, ipinakansela ni Senador Ping Lacson ang naturang hearing.
Tila may malaking “pasabog” si Singson, kung kaya’t biglaang umatras at agad ipinakansela ang senate probe sa naturang isyu. Boom!
XXX
SAGAD SA BUTO ANG KASAMAAN NG MGA VLOGGERS NA GUMAGAWA NG FAKE NEWS – May kumakalat na pekeng balita sa social media na pumanaw na umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa St. Luke’s Hospital dahil sa kanser, ngunit ito ay walang katotohanan.
Ang naturang fake news ay mabilis na kumalat online at nagdulot ng kalituhan, kabilang ang mga maling pahayag mula sa ilang vloggers at social media users. Maging ang ilang tagasuporta ay naimpluwensiyahan din ng maling impormasyon.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri at i-verify muna ang mga balita bago ito paniwalaan o ibahagi, upang maiwasan ang pagkalat ng disinformation. Tsk!
XXX
DAPAT YATA MAG-SEMINAR SI PBBM KAY MAYORA LENI SA TAMANG SERBISYO SA PANAHON NG KRISIS – Noong Abril 7, 2026, sinabi ni Leni Robredo na kung sakaling tumagal pa ang oil crisis, ipatitigil muna niya ang ilang infrastructure projects sa Naga City na hindi naman gaanong kailangan sa kasalukuyang sitwasyon. Ayon sa kanya, ang pondong matitipid mula rito ay ire-realign para sa fuel subsidy at ayuda sa mga residente na apektado ng krisis.
Samantala, ikinumpara ito ng ilan sa naging aksyon ng pambansang pamahalaan sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr., na umano’y patuloy pang hinahanap ang mas epektibong paraan para tugunan ang epekto ng oil crisis.
Ayon sa kritisismo, dapat umanong pag-aralan ang ganitong uri ng diskarte sa lokal na pamahalaan upang mas mapalakas ang agarang tulong sa mga mamamayan sa gitna ng krisis. Period!
