Cong. Kiko, dapat kasuhan sa sinabi nitong nasa impyerno na ang yumaong Cong. Romeo Acop
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 29, 2026

MALAKI RAW PALA ANG NA-SCAM NI ZALDY CO SA KABAN NG BAYAN, WORTH P58.83B – Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na kung nais ng puganteng si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co—na nahaharap sa mga kasong plunder, malversation of public funds, bribery, at graft—na makipagnegosasyon sa Marcos administration, kailangan muna niyang isauli sa kaban ng bayan ang umano’y $1 bilyong pera ng publiko na kanyang na-scam.
Katumbas ito ng humigit-kumulang P58.83 bilyon sa salaping Pilipino—isang halagang malinaw na sumasalamin sa lawak ng pinsalang idinulot sa bayan. Boom!
XXX
LAHAT NG DPWH SA MGA PROBINSYA SA ‘PINAS, DAPAT IMBESTIGAHAN NG SENADO AT ICI AT BAKA MAY MABULGAR PANG MGA SANGKOT DIN SA FLOOD CONTROL SCANDAL – May 82 probinsya ang bansa, at sa bawat isa ay may tanggapan ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Gayunman, kapuna-pansin na sa tatlong probinsya lamang—Bulacan, Oriental Mindoro, at Davao Occidental—nakatuon ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y flood control projects scam.
Sa totoo lang, napakahirap paniwalaan na sa tatlong lalawigan lamang nagkaroon ng katiwalian at malinis ang mga tanggapan ng DPWH sa natitirang 79 probinsya.
Ang punto rito: dapat palawakin ng Senado at ICI ang imbestigasyon at isama ang DPWH offices sa iba pang mga lalawigan. Kapag ginawa ito, malaki ang posibilidad na may iba pang pangalan—kabilang ang mga senador at kongresista—ang lilitaw na sangkot sa isyung ito. Period!
XXX
SEN. DELA ROSA AT VILLANUEVA, PAREHONG MAY KINAKAHARAP NA KASO, KAYA TAMA LANG NA TANGGALIN SILA BILANG MIYEMBRO NG SENATE ETHICS COMMITTEE – Tama ang naging desisyon ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na pangunahan ang mosyon na tanggalin bilang mga miyembro ng Senate Ethics Committee sina Sen. Ronald Dela Rosa at Sen. Joel Villanueva, at palitan sila nina Sen. Imee Marcos at Sen. Rodante Marcoleta.
May kinakaharap na kasong crimes against humanity si Sen. Dela Rosa sa International Criminal Court (ICC), habang nasasangkot naman si Sen. Villanueva sa flood control scandal. Dahil dito, malinaw na hindi na sila angkop na manatili sa isang komiteng inaasahang magtataguyod ng etika at pananagutan sa Senado. Period!
XXX
DAPAT KASUHAN NG PAMILYA ACOP SI CONG. KIKO SA SINABI NITONG NASA IMPYERNO NA ANG YUMAONG KONGRESISTA – Mula sa pagiging pulis hanggang sa pagiging kongresista, hindi kailanman nasangkot sa katiwalian ang yumaong Antipolo City 2nd District Rep. at retiradong Police Gen. Romeo Acop.
Sa loob ng 31 taon sa serbisyo, itinaya ni Acop ang kanyang buhay sa paglaban sa mga kriminal, sindikato, komunista, at terorista. Nang maging kongresista naman, maayos at tapat ang kanyang naging paglilingkod sa Antipolo City—kaya sa bawat halalang kanyang nilahukan, lagi siyang nagwagi.
Dahil dito, ang pahayag ni suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na nasa impyerno na umano ang yumaongCong. Acop ay hindi dapat palampasin. Nararapat lamang na ipagtanggol ng pamilya Acop ang dangal ng kanilang mahal sa buhay at sampahan ng kasong cyberlibel si Cong. Barzaga. Period!








Comments